Dibuho ni: Aleana Dhynese Gozun
Inilathala ni: Shaina Pajarillo
Petsang Inilathala: Oktubre 3, 2025
Oras na inilathala: 8:55 AM
Sa kabila ng pagbangon ng ekonomiya ng Pilipinas mula sa pinsalang idinulot ng pandemya, tila’y nananatili pa rin itong isang pasanin sa bawat tahanan ng pamilyang Pilipino. Hindi maiiwasan ng marami sa atin ang bangungot na patuloy na itinatatak sa atin: sino nga ba talaga ang tunay na nakikinabang sa mga utang ng gobyerno—ang mamamayan ba, o ang mga nasa tuktok ng triyanggulong patuloy ginagapang ng masa? Habang iginigiit ng pamahalaan ang kanilang pananagutan, lumalalim naman ang duda ng mga mamamayan. Patunay na hindi ramdam ang mga proyektong imprastraktura at serbisyong panlipunan—tila’y mga pangakong nauwi sa isang hanging bitbit ay poot at bigat sa marami. Bagaman totoo na ang paggasta ay mahalagang bahagi ng pag-unlad ng ekonomiya, ang malawakang pagluwag sa kaban ng bayan nang walang malinaw na direksyon ay hindi maituturing na makatarungan.
Sa isang ulat mula sa GMA News nito lamang Hulyo, binigyang-diin ng ekonomista na si JC Punongbayan ang paglobo ng utang ng Pilipinas—kasalukuyang malayo sa ekspektasyon ng karamihan. Ipinahayag niya na ang pag-utang ng gobyerno ay tila hindi na tumutugma sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa. Ani nito na tila’y patuloy pa rin ang paggasta ng pamahalaan na parang tayo ay naiwan sa hagupit na bitbit ng pandemya. [1] Kung noon ay malinaw kung saan ito napupunta, ngayon ay tila isa na lamang maputik na bula—marumi at malabo na siyang lumilipad sa ere na para bang pinagkakait ito. Wala namang masama sa pag-utang kung may kaakibat naman itong malinaw na plano. Hindi naman ito magiging problema kung totoong may patutunguhan ang trilyon-trilyong utang ng ating gobyerno. Ngunit, kung walang konkretong resulta at totoong pagbabago na nakapaloob sa layunin na ito, para lamang tayong naglulustay ng pera sa kawalan. Imbes na paggastos para sa pagtataguyod ng mamamayang Pilipino, parang ginagawa na lamang itong negosyo ng mga nakaupo sa gobyerno—nakabadyet na para sa “lavish lifestyle” na kadikit ng kanilang mga apelyido.
Isa pa, sa pinakahuling ulat ng Commission on Audit (COA) sa BusinessWorld, lumutang ang ilang mga detalye ukol sa hindi wastong paggasta at underspending ng ilang ahensya ng pamahalaan. Sa kabila ng bilyong pondong nailaan para sa mga proyektong makakatulong sana sa mamamayan, marami sa mga ito ang hindi nagamit, naudlot, o di kaya’y walang sapat na dokumentasyon. Isa na rito ang Department of Agriculture na umabot sa halos ₱9.8 bilyon ang unused funds ayon sa COA Annual Audit Report. [2] Mapapaisip ka na lamang talaga kung bakit habang ang karaniwang Pilipino ay patuloy na nakikipagsapalaran sa agos ng buhay araw-araw, tila walang kapantay ang bilis ng paggastos ng pamahalaan. Sa kabila ng trilyon-trilyong utang na ito, bibihira ka lang makakakita ng pagbabago sa paligid mo. Ang mga proyektong inaasahang makatutulong sa pag-unlad ng ating bansa ay ibinaon na sa hukay ng mga taong nakaluklok sa pwesto. Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin maaninag ang progresibong bansang iminungkahi noong mga naunang buwan bago ang botohan. Nakakalungkot isipin na hindi naman talaga mahirap ang ating bansa, hindi naman talaga kulang ang yaman na mayroon tayo. Ang problema ay hindi ang kakulangan sa pondo, kundi ang pagkakait sa malinis at maayos na pamamahala. Sa huli, mga Pilipino pa rin ang talo—lugi sa larong tagu-taguan ng badyet at totoong pagbabago.
Bukod pa rito, hindi rin nalalayo ang obserbasyon ng ilang pandaigdigang institusyon. Umabot na sa iba’t ibang sulok ng mapa ang mahabang listahan ng utang ng ating gobyerno. Tulad na lamang sa isang ulat ng International Monetary Fund (IMF) at Asian Development Bank (ADB), kung saan binigyang-diin na transparency at accountability ang ilan sa mga kahinaang dapat tugunan ng pamahalaan upang hindi masayang ang mga inutang na salapi. [4] Sa laki ng utang na mayroon ang ating bansa, mapapatanong ka na lamang sa sarili mo kung saan ito ibinuga. Kung totoong ang hiram na salaping ito ay para sa ikauunlad ng Pilipinas, bakit tila’y bumaba tayo sa Global Competitiveness Index? Patunay at indikasyon ‘yan na hindi epektibo at para sa progresibong paraan ang paggamit ng mga pampublikong pondo. Imbes na sa pagpapabuti ng imprastraktura, edukasyon, at kalusugan parang sa paglipad papunta sa ibang bansa ito inilaan. Bagaman hindi naman natin maikakaila na mayroong ilang mga proyekto na ang naisakatuparan ng pamahalaan na tunay namang kapaki-pakinabang. Subalit, dumarami na ang mga kontrobersiya, tanong, at duda. Sa kaso ng ating bansa, nagiging dahilan lamang ang pag-utang sa patuloy na pagbaba ng ating ekonomiya. Matagal nang hiling ng mga tao ang transparency, ngunit tila nabibingi sila kapag ang usapan ay tungkol na sa pinatunguhan ng serbisyong kanilang ipinangako. Paulit-ulit na isyu sa malaking pondo at utang na kulang pa rin at tila’y palaging butas ang bulsa ng ating bansa.
Isa pa, makikita rin sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na kahit pa unti-unting bumabangon ang ekonomiya, hindi ito nararamdaman ng karaniwang Pilipino. Sa unang bahagi ng 2025, tumaas ang presyo ng pangunahing bilihin ng hanggang 5.9% inflation rate, habang nanatiling mababa ang sahod sa maraming sektor. [5] Kaya’t imbes na guminhawa, mas lalong nababaon sa hirap ang mga pamilyang Pilipino. Imbes na magpaplano na lamang ng kakainin, kailangan muna mag-isip kung saan kukuha ng pambili. Base nga sa mga kasalukuyang datos, tila walang sapat na ebidensya na nagsasabing napupunta sa mga mamamayan ang mga pinasok na pagkakautang. Sa huli, mga Pilipino pa rin ang magpapasan ng bigat nito—kahit ang katotohanan ay hindi naman nila nalasap ang totoong layunin ng naturang aksyon. Simple lang naman ang hiling ng taumbayan: malinaw na serbisyo at totoong pag-unlad, ang masaklap dito ay mas madali pang maglustay ng pera kaysa magsumite ng totoong serbisyo. Kaya ngayon, patuloy pa rin ang hirap sa araw-araw—pagkayod hindi para sa sarili, kundi para punuan ang bulsang pilit nilang nililinis. Wala pa ring pagbabago sa problemang taon-taon na lang nating pinapasan. Kung paano tayo na-stranded sa baha, ganoon din tayo nalunod sa utang na hindi naman tayo ang nakinabang.
Ang hamon ng bansa natin ay hindi lamang kung paano babayaran ang utang, kundi kung paano pananagutin ang pamahalaan sa maling paggasta nito. Hindi sapat ang pagsasabi na may naging magandang gamit ito, marapat ay ipakita sa mga mamamayan ang tunay na pagbabago. Pati rin ba ang pag-utang ay ituturing na lamang din nating “new normal”? Patuloy ba tayong magbubulag-bulagan at mananatiling sarado ang isipan? Kung ang pandemya’y tuluyan nang nabigyang lunas, hindi ba dapat pati ang sistema na ating nakagisnan? Kung “utang na loob” lang din naman ang usapan, mas nararapat sigurong ibalik muna sa mamamayan ang utang na serbisyo at solusyon sa mga problemang kinakaharap ng bansa ngayon. Isang bagay na noon pa dapat natamo ng mamamayang Pilipino. Panahon na para buksan ang ating isipan, matutong suriin ang tunay na progreso, at sama-samang maghangad ng mas maayos at makatarungang serbisyo.
Mga Sanggunian:
[1] GMA Network News. (2025, August 24). Gobyerno, gumagastos na parang may pandemya pa, ayon sa isang ekonomista[Video]. GMA News Online. https://www.gmanetwork.com/news/video/24oras/721289/gobyerno-gumagastos-na-parang-may-pandemya-pa-ayon-sa-isang-ekonomista/video/
[2] BusinessWorld. (2021, August 18). CoA says Agri dep’t failed to spend ₱9.8 billion. BusinessWorld Online.https://www.bworldonline.com/economy/2021/08/18/390151/coa-says-agri-dept-failed-to-spend-p9-8-billion/
[3] International Monetary Fund. (2025, May 14). Annual Legal Conference 2025: Legal Foundations of Public Debt Transparency [Video]. International Monetary Fund. https://www.imf.org/en/videos/view?vid=6372860149112
No comments:
Post a Comment