Inilathala ni: Chloe Lavine P. Barcelona
Petsang Inilathala: Nobyembre 12, 2024
Oras na Inilathala: 4:00 PM
Ang pagdanak ng dugo kapalit ng hinahangad na “drug free” na bansa ay hindi isang makatarungang paraan upang makamit ang minimithi ng ating gobyerno para sa ating bayan. Bagkus, ang kinakailangan natin ay isang batas na magbibigay liwanag sa kaalamanan ng tao at lalong lalo na ng gobyerno tungkol sa kung anong klaseng solusyon ang nararapat upang mailigtas ang mga lulong sa droga nang hindi sila nailalagay sa binggit ng kapahamakan sa kamay ng mga may kapangyarihan.
Nagpasa ng panukalang batas ang Akbayan Partylist Representative na si Percival CendaΓ±a na tinawag din niyang “Kian Bill” o ang House Bill 11004. Ito ay ang batas na sinasabing posibleng magbigay ng makatao at alternatibong solusyon na magliligtas sa mga nalulong sa pinagbabawal na gamot [1]. Ang nasabing batas ay kinakikitaan din ng potensyal na magbigay daan upang mas bigyang pansin bilang isang sakit ang pagkakalulong sa droga ng isang tao at hindi isang bagay na kinakailangang gamitan ng dahas para agaran itong malutas.
Dagdag pa rito, base sa Mayo Clinic, ang “drug addiction” ay isang sakit na nakakaapekto sa kung paano makitungo ang isang tao at kung paano gumagana o tumatakbo ang kaniyang utak na nagreresulta sa hindi makontrol na paggamit ng droga [2]. Ang adiksyon sa pinagbabawal na gamot ay isang uri ng sakit at gaya ng ibang karamdaman, hindi ito madaliang ginagamot kaya naman tamang kalinga at pag-hahanap ng tamang alternatibong paggagamot ang kinakailangan ng mga lulong sa droga upang malampasan ang ganitong pagsubok sa kanilang buhay at hindi isang mabilisang solusyon na nagreresulta sa madugong usapan.
Bukod pa rito, ang “Kian Bill” ay pinangalan din sa isang menor de edad na nagngangalang Kian Loyd Delos Santos na napatay ng mga pulis noong kasagsagan ng War on Drugs [3]. Isa lamang si Kian sa mga inosenteng nadamay sa ipinatupad na operasyon ng dating pangulo. Dagdag pa rito, ang paggamit ng dahas ay isa sa mga solusyon na walang kasiguraduhan kung maayos ba ang kalalabasan nito kaya naman hindi ito maaaring irekomenda bilang lunas sa hindi matapos tapos na isyu ng droga sa Pinas. Ang “Kian Bill” din ang magsisilbing pag-asa ng taong bayan sa pamamagitan ng pagbibigay nito ng alternatibong solusyon gaya na lamang ng rehabilitasyon at mga programa sa mga komunidad na tutulong sa mga kamag-anak ng ibang Pilipino na nalulong sa droga.
Para naman sa nagpatupad ng Drug on War at mga awtoridad na kasangkot sa walang awang pagpatay sa mga lulong at mga inosenteng nadamay sa nasabing operasyon ay nararapat lamang patawan ng legal na kaparusahan. Walang kahit sino man ang nakatataas sa batas kaya naman ang mga taong lumabag dito at kumitil sa buhay ng mga nasasakdal man o inosente ay nararapat lamang na humarap sa husgado at mapatawan ng karapat-dapat na kaparusahan.
Maraming pagkakamali ang naganap noong kasagsagan ng War on Drugs. Maraming karapatang pantao rin ang nalabag noong mga panahong iyon kaya naman huwag na sana itong muling maulit pa sa mga susunod na administrasyon at sana ay natuto na ang taong bayan lalong lalo na ang mga nakaupo sa posisyon na kahit kailan man ay hindi magiging isang simbolismo ng matagumpay na pamumuno at solusyon ang pagdanak ng dugo. Kundi ay isa lamang itong patunay sa pag-abuso ng kapangyarihan at kapabayaan ng gobyerno.
MGA SANGGUNIAN:
[1] Cervantes, F. M. (2024, November 4). House bill on rights-based, health-based drug policy filed. https://www.pna.gov.ph/articles/1237052
[2] Mayo Clinic (n.d). Drug Addiction (Substance Use Disorder). https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/drug-addiction/symptoms-causes/syc-20365112#:~:text=Overview,nicotine%20also%20are%20considered%20drugs.
[3] Andrade, J. (2024, November 5). ‘Kian bill’ seen to protect rights of drug suspects. https://newsinfo.inquirer.net/2001199/kian-bill-seen-to-protect-rights-of-drug-suspects#ixzz8qoZ67ulo
No comments:
Post a Comment