Ilang araw na ang lumipas mula nang matapos ang University of the Philippines College Admission Test (UPCAT) 2027, ngunit tila hindi pa rin humuhupa ang sigaw na, "Lamunin mo ako, UP" sa puso at isipan ng mga estudyanteng nangangarap maging bahagi ng pamantasang matagal nang kinikilalang tahanan ng mga Iskolar ng Bayan.
Ang pagsisimula ng Agosto ay siya ring panibagong yugto para sa mga kabataang nangahas sumubok. Ayon sa ABS-CBN News, mahigit 150,000 ang inasahang kumuha ng 2-day na UPCAT ngayong taon sa 113 testing centers sa buong bansa, mas marami kumpara sa nakaraang taon.
Sa dami ng mga kabataang sabay-sabay humarap sa pagsusulit, bawat isa ay may dalang sariling kaba, paghahanda, at pag-asa. Hindi lamang basta entrance exam para sa marami, kundi kuwento ng mga estudyanteng piniling lumaban kahit hindi tiyak ang kahihinatnan, umaasang sa pagkakataong ito ay mabuksan ang pintuan patungo sa pangarap.
Sa pagkakataong ito, balikan natin ang mga eksena, kuwento, at karanasang sumibol sa UP.
KAHIT ANO, BASTA IKAW
Bukod sa test permit, lapis at eraser, tila may isa pang checklist na kailangan nilang kumpletuhin. Dala-dala nila ang mga pamahiing taon-taon nang ipinapasa ng mga naunang kumuha ng UPCAT.
May mga unang ipinapasok ang kanang paa sa testing room at kaliwang paa naman ang unang ginagamit sa paglabas, habang ang iba ay marahang sumisipa sa upuan bago lumabas ng silid, umaasang may maiiwang swerte. Mayroon ding nagsusuot ng kahit anong pula, mula sa kasuotan hanggang sa pinakakaraniwang pulang underwear, at naglalagay ng barya sa sapatos, sa paniniwalang maaari itong magdala ng suwerte.
Hindi rin nawawala ang mga ritwal na may kaugnayan sa mismong exam. May ilan na nagpapatasa ng kanilang lapis sa isang kasalukuyang estudyante o graduate ng UP, bilang paraan ng paghingi ng basbas bago harapin ang exam. Ngunit hindi lamang sa loob ng testing room umiikot ang mga pamahiin. May mga umiwas magpa-picture sa istatwa ng Oblation dahil sa pag-iingat na baka magdulot ito ng hindi magandang resulta.
Kahit pa iba-iba ang kanilang pinaniniwalaan, walang makapagbabago sa iisa nilang hangarin: ang makapasa. Kaya kung totoo man o hindi, marami pa rin ang sumusubok sapagkat sa isang pagkakataong pinapangarap ng marami, mas gugustuhin nilang gawin ang lahat ng maaari kaysa isipin kung may isang bagay pa silang dapat sinubukan.
Maaaring nakakatawa o simpleng biro lamang ang ilan sa mga ito. Ngunit sa likod ng bawat pamahiin ay naroon ang pag-asa, kaba, at kagustuhang makasiguro. Dahil kapag malaki ang pangarap, maging ang pinakamaliit na posibilidad ay nagiging dahilan upang kumapit.
Dahil sa dulo ng lahat ng ’yan, swerte man ang hinihingi o basbas ang hinahanap, nananatili pa rin ang isang tanong na hindi kayang sagutin ng kahit anong pamahiin:nakapag-review nga ba talaga?
AY REREBYUWHENBA?
Iba-iba ang naging paghahanda ng bawat isa bago sumabak sa UPCAT, lalo na kung kailan sila nagsimulang mag-review. May mga naghanda ilang buwan bago ang pagsusulit, habang ang iba ay ilang linggo o araw lamang bago ito. Mayroon ding mga naglaan ng oras para bumuo ng planner at study schedule, nag-enroll sa review center, o gumamit ng makakapal na reviewers at libro na halos araw-araw nilang binubuklat.
Para sa ilan, lalo pang naging hamon ang kaba habang papalapit ang araw ng pagsusulit. May mga napilitang mag-cram ilang araw bago ang exam, habang ang iba ay nagsabing stock knowledge na lamang ang kanilang naging sandata dahil wala nang sapat na panahong balikan ang mga reviewers.
Ngunit hindi naman pare-pareho ang oras at pagkakataong mayroon ang bawat estudyante para maghanda. May mga nagsabay ng pagrerebyu sa tambak na activities sa paaralan at iba pang responsibilidad sa bahay, kaya limitado ang oras na nailaan nila para sa UPCAT. Sa kabila nito, sinubukan pa rin nilang sulitin ang bawat libreng oras upang makapagbasa, makapagsagot ng practice tests, o kahit maibalik sa alaala ang mga araling matagal nang natutuhan.
Sa bawat pagpasok naman nila sa testing room, pantay-pantay nang hinahamon ang lahat ng pangarap, anuman ang naging paraan ng kanilang paghahanda. Maaaring magkakaiba ang haba ng oras at paraan ng kanilang pagrerebyu, ngunit iisa naman ang hangarin ng lahat: maging handa sa araw na matagal nilang hinihintay.
At tila sinubok pa ang determinasyong iyon. Sapagkat hindi lamang ang pagsusulit ang kinailangan nilang paghandaan. Maging ang kalangitan ay tila nagbigay ng panibagong hamon.
BASANFLOWER
Kasabay ng UPCAT ang walang tigil na pagbuhos ng ulan dulot ng bagyo. Mas bumigat ang trapiko, bumaha sa ilang lugar, at humaba ang biyahe papunta sa mga testing center. Sa halip na karaniwang araw ng pagsusulit, sinalubong ng mga estudyante ang malamig na hangin, basang kalsada, at madilim na langit.
Sa mga daan, kanya-kanyang diskarte ang mga estudyante upang makarating sa tamang oras. Ang ilan ay nagmamadaling tumakbo nang nakapayong, habang ang iba naman ay naglakad sa ilalim ng ulan matapos bumaba sa sasakyan. May mga basang sapatos, nakatiklop na payong, at unti-unting nababasang damit habang papalapit sa kanilang mga silid.
Hindi man naging maliwanag ang buong araw na iyon, hindi nila hinintay na tumila ang ulan bago humakbang pasulong. Gaya ng isang dilaw na bulaklak na nakayuko sa bigat ng ulan ngunit hindi tuluyang nalalanta, nanatili silang nakatayo, naghihintay sa liwanag na muling sisikat.
BAKIT LAPIS KITANG MAHAL?
Pagpasok sa testing room at pagsisimula ng pagsusulit, kanya-kanyang diskarte na ang lahat. May mga tutok na tutok sa bawat tanong, habang ang iba nama’y naglaan ng mas maraming oras sa mga bahaging kailangan nilang pag-isipan.
Sa paglipas ng oras, nagsimula ring maramdaman ang pressure. May mga sobrang tutok sa pagsagot kaya hindi namamalayang nauubos na pala ang oras. Mayroon din namang napapatingin sa katabi at napepressure kapag nakikitang mabilis itong sumasagot. Dahil dito, napipilitan ang ilan na bilisan ang pagsagot, laktawan ang ilang tanong, o hindi na basahin nang buo ang mga ito.
Habang papalapit ang oras ng pagtatapos, mas lalong naging mahalaga ang bawat minuto. Dahil kailangang habulin ang oras, may mga tanong na sinagutan na lamang agad at scratch paper na hindi na nagamit. Sa mga huling minuto, may mga sagot ding kinailangang hulaan dahil hindi na umabot ang oras, habang ang iba ay nakatapos naman nang maayos.
Paglabas ng testing room, tila iisa ang tanong ng lahat: "Kumusta exam?" Bihira ang may tiyak na sagot. May mga napapangiti dahil mas madali kaysa sa inaasahan, habang ang iba nama’y tahimik na lamang, dala ang pagod at pag-aalala.
Pero sa kabila ng magkakaibang sagot at naging karanasan, pare-pareho silang may isang bagay na ilang oras nilang hindi binitiwan, ang lapis. Dahil sa bawat sagot na isinulat, binura at pinili, kasama nila ito sa bawat tanong hanggang sa huling minuto.
HUWAG MO AKONG PASALAMATAN, UP!
Sa paglipas ng mga araw, may mga unti-unti nang tinatanggap ang anumang resulta. May mga nagsasabing sapat nang nasubukan nila. May mga naghahanda na rin sa kung ano mang susunod, lalo na kung hindi magiging pabor ang desisyon.
Ang UPCAT ay maaaring dalawang petsa lamang sa kalendaryo, ngunit para sa mga dumaan dito, isa itong mahabang paglalakbay. Nagsimula ito sa application at nagpatuloy sa mga gabing ipinagpalit ang pahinga para sa ilang pahina ng reviewer, sa mga umagang maagang bumangon, sa mga araw na kailangang pagsabayin ang lahat, hanggang sa pag-upo sa testing room dala ang pag-asang matagal nilang pinanghawakan.
Iyon ang hindi dapat mawala sa kuwento ng UPCAT. Hindi lamang kung ilan ang nasagutan nang tama o mali, kundi kung paano naging bahagi ng kanilang mga araw ang isang pangarap na minsang tila napakalayo. Dahil bago pa man mabuksan ang pahina ng resulta, nauna nang naisulat ang mas mahabang kuwento.
Kaya pagdating ng resulta, huwag hayaang isang listahan ang magsara sa kuwentong matagal nang nasimulan. Dalhin ninyo ang mga natutunan sa buong paglalakbay, ang tapang na humarap sa araw ng pagsusulit, at ang paninindigang nabuo bago pa man kayo humawak ng lapis at magsagot. Sapagkat maaaring matapos ang isang araw ng pagsusulit, ngunit hindi kailangang doon magtapos ang lahat ng bagay na nabuo ninyo habang patungo roon.
At marahil, iyon ang pinakamahalagang maiiwan sa kuwentong ito: hindi kailangang malaman agad ang wakas upang masabing naging mahalaga ang bawat pahina. May mga kuwentong hindi sinusukat sa kung paano sila nagtapos, kundi sa tapang ng mga taong piniling isulat ang mga ito.
SANGGUNIAN;
Sanchez, E. (2026, August 1). Thousands take UPCAT 2027 as UP expects 153,000 examinees nationwide. ABS-CBN News.
https://www.abs-cbn.com/news/nation/2026/8/1/thousands-take-upcat-2027-as-up-expects-153-000-examinees-nationwide-0854






