Friday, January 9, 2026

𝗣𝗔𝗡𝗜𝗧𝗜𝗞𝗔𝗡: “Sa Pagitan ng Ngipin at Pag-ibig” ni Allaina Roane M. Blanquisco






Disenyo ni: Mark Louie L. Pocot

Inilathala ni: Kristine Caye Emono

Petsang Inilathala: Enero 9, 2026

Oras na Inilathala: 6:10 PM



Kategorya: Prosa
Tema: Kanibalismo bilang simbolismo ng pag-ibig na lampas sa hangganan ng katawan at damdamin.


Kung may paraan lang para manatili ka sa akin magpakailanman, pipiliin kong kainin ang bawat pirasong iniaalay mo, tulad ng isang panata ng pag-ibig. 

Sa bawat paglapit mo, nararamdaman ko ang unti-unting pagkapunit ng sarili kong laman, na parang ang katawan ko mismo ang nagmamakaawa na tanggapin ka.

Hindi ito sugat, kundi pagbubukas—isang paanyaya. May mga sandaling pakiramdam ko ikaw ang tanging lasa na kaya kong tandaan, at ang presensya mo’y parang munting kagat na hindi ko mapigilan. Sa tuwing narito ka, nananahimik ang mundo, at ako’y nauubos nang marahan, ngunit may saya sa pagkawala. Sapagkat kung wala akong maibibigay na bahagi ng sarili ko, paano mo malalaman kung gaano kita minahal?

May mga gabi na hinihiling ko na sana’y kaya kitang tikman nang tuluyan—hindi bilang karne, kundi bilang katotohanan. Ang bawat kislot ng bibig mo, bawat paghinga mo, ay parang paanyayang sumuko ako sa iyo. At minsan, sa gitna ng katahimikan, naiisip kong gusto kong mapalapit sa’yo nang lampas sa balat, lampas sa init, lampas sa kung ano man ang pinahihintulutan ng mundo. 

Gusto kong maramdaman kung paano ka mawawala sa pagitan ng mga kamay ko, kung paano ka mag-iiwan ng marka sa dila ko, kung paano ka magiging bahagi ko bago ko pa man mapigilan ang sarili. At kung sakaling sa prosesong ito ay tuluyan akong lamunin ng pag-ibig ko sa’yo, handa akong mawala—basta’t ikaw ang huling lasang matitira.

Sa mga sandaling ang tanging nakikita ng mga mata ko ay ang ngiti mo at ang ngalan mo lamang ang bumabara sa pandinig ko, parang may kumakalaykay na kuko sa loob ng dibdib ko, hinahanap ang puwang na pwede mong pasukin. Hindi ko alam kung saan nagsimula ang pagnanasa na ito—ang tahimik na sigaw ng katawan ko na gustong mabuksan, mawarat, mapasukan ng presensya mo. 

At habang lumalapit ka, habang umiikot ang mundo na para bang ikaw lang ang may karapatang huminga, nararamdaman ko ang sarili kong unti-unting sumusuko. Hindi sa’yo, kundi sa pagkahumaling na ikaw lang ang kaya kong lamunin nang walang alinlangan. Sapagkat totoo—may mga bahagi ng aking katauhan na matagal mo nang kinakain, at ako  mismo ang nag-aabot ng kutsara.

At kung minsan, sa kahinaan ko, naiisip kong baka hindi ko naman talaga gustong pagharian ang puso mo. Baka ang totoo, gusto lang kitang ilagay kung saan hindi ka na kailanman makakaalis—sa ilalim ng dila ko, sa gilid ng aking ngipin, sa pinakagitna ng aking dibdib. Sapagkat doon, alam kong hindi ako mawawala sa’yo, at hindi ka mawawala sa akin. At kung pag-ibig nga ang tawag sa ganitong pagnanasa, sana’y patawarin mo ako sa lalim ng aking gutom. Dahil ang totoo—ang pinakanakakatakot sa lahat ay hindi ang kainin ka, kundi ang malaman kong kayang-kaya mo rin akong kainin pabalik.





No comments:

Post a Comment