Dibuho ni: Alexa Robil
Inilathala ni: Jellyssa Boniza
Petsang inilathala: May, 18 2026
Oras na inilathala: 12:27 PM
Sa bansang kung saan kayang dakpin ang maralita nang walang warrant at mabilis na pairalin ang batas laban sa ordinaryong mamamayan, tila nagiging mas komplikado ang usapin ng hustisya kapag makapangyarihang personalidad na ang nasasangkot.
Sa mga nagdaang araw, mistulang eksena sa teleserye ang Senado: may tensyon, lockdown, pagtutol sa pag-aresto, at samu’t saring pahayag mula sa mga opisyal ng gobyerno. Ayon sa ulat ng GMA News, nagkaroon ng tensyon sa Senado kaugnay ng usapin hinggil sa umano’y ICC-related arrest order laban kay Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa. Samantala, iniulat naman ng ABS-CBN News na mariing sinabi ng Office of the Sergeant-at-Arms na hindi nila pahihintulutan ang anumang pag-aresto sa loob ng Senado.
Mas lalong naging kapansin-pansin ang kaniyang muling paglitaw matapos ang ilang buwan na hindi pagpasok sa Senado, lalo na sa gitna ng usaping impeachment ni VP Sara Duterte at pagbabago sa liderato ng Senado. Matapos ang ilang buwan na hindi pagdalo sa mga sesyon, saka lamang siya muling nagpakita nang magsimulang umugong ang posibilidad ng kaniyang pag-aresto kaugnay ng warrant mula sa ICC.
“𝘐 𝘢𝘮 𝘢 𝘴𝘦𝘯𝘢𝘵𝘰𝘳 𝘰𝘧 𝘵𝘩𝘪𝘴 𝘳𝘦𝘱𝘶𝘣𝘭𝘪𝘤!”—isang linyang mabilis naging meme at naging usapin sa social media, sa gitna ng tensyon at kontrobersiyang bumabalot sa Senado. Ngunit sa likod ng katatawanan, may mas seryosong tanong na hindi dapat iwasan: bakit tila naaalala lamang ng ilang opisyal ang kanilang tungkulin kapag ang sariling interes at kapangyarihan na nila ang nanganganib?
Habang abala ang publiko sa tinaguriang “political drama,” muling lumilitaw ang matagal nang usapin patungkol sa hindi pantay na hustisya ng bansa. Maraming mahihirap ang agad nadadakip at nakukulong kahit kulang ang ebidensya at walang sapat na kakayahang ipagtanggol ang sarili. Ngunit ngayon na isang makapangyarihang senador ang nahaharap sa warrant at imbestigasyon, biglang nagiging mahalaga ang usapin ng legal na proseso, at proteksiyon.
Dito mas nakikita na may sistemang mabilis humusga at kumilos kapag ordinaryong mamamayan ang sangkot, ngunit nagiging maingat at mabagal kapag nasa hanay na ng kapangyarihan ang kailangang managot. Nagiging palaisipan sa taong bayan kung ang gobyerno ba ay tunay na para sa serbisyo publiko o isa na lamang entabladong pinagtatanghalan ng iilang may kapangyarihan.
Mas nakababahala rito ang tila pagtrato ng ilang institusyon sa seryosong usapin bilang isang palabas na kailangang kontrolin, imbes na isang problemang dapat harapin at resolbahin. Sa halip na tumuon sa pananagutan, mas nangingibabaw ang drama sa politika—may pagtatanggol sa mga personalidad na matagal nang nakapuwesto sa sistema ng kapangyarihan.
Bilang Pilipino, hindi na bago ang paulit-ulit na pagkukulang ng sistema—ang pabago-bagong paninindigan, piling hustisya, at pagyurak sa mga institusyong dapat sana’y naglilingkod sa bayan. Habang patuloy na ginagamit ng makapangyarihan ang impluwensiya bilang panangga sa pananagutan, mas lumilinaw na hindi pantay ang bigat ng batas, depende sa kung sino ang humaharap dito.
Maaring maantala ang hustisya, pagtakpan ng impluwensiya, at ipagtanggol ng may kapangyarihan, ngunit hindi nito mabubura ang mga tanong na matagal nang naghahanap ng kasagutan. Sapagkat habang kayang protektahan ng sistema ang iilan, mas lalo lamang nitong pinatutunayan kung gaano kalalim ang pagkabulok ng hustisyang ipinagkakait sa bayan.
MGA SANGGUNIAN:
[1] Sepe, F. G., Jr. (2017, April 3). 𝘏𝘦𝘢𝘭𝘪𝘯𝘨 𝘵𝘩𝘦 𝘸𝘰𝘶𝘯𝘥𝘴 𝘧𝘳𝘰𝘮 𝘵𝘩𝘦 𝘥𝘳𝘶𝘨 𝘸𝘢𝘳. ABS-CBN News. https://www.abs-cbn.com/specials/healing-drug-war
[2] Rita, J. (2026, May 13). 𝘉𝘢𝘵𝘰 𝘥𝘦𝘭𝘢 𝘙𝘰𝘴𝘢 𝘳𝘦𝘫𝘦𝘤𝘵𝘴 𝘚𝘦𝘯𝘢𝘵𝘦 𝘮𝘪𝘯𝘰𝘳𝘪𝘵𝘺 𝘤𝘢𝘭𝘭 𝘵𝘰 𝘴𝘶𝘳𝘳𝘦𝘯𝘥𝘦𝘳 𝘵𝘰 𝘐𝘊𝘊. GMA News Online. https://www.gmanetwork.com/news/topstories/nation/987428/bato-dela-rosa-rejects-senate-minority-call-to-surrender-to-icc/story/
[3] Laqui, I. (2026, May 11). 𝘚𝘦𝘯𝘢𝘵𝘦 𝘱𝘳𝘰𝘵𝘦𝘤𝘵𝘴 𝘋𝘦𝘭𝘢 𝘙𝘰𝘴𝘢, 𝘤𝘪𝘵𝘦𝘴 𝘱𝘶𝘳𝘴𝘶𝘦𝘳𝘴 𝘪𝘯 𝘤𝘰𝘯𝘵𝘦𝘮𝘱𝘵 𝘢𝘧𝘵𝘦𝘳 𝘣𝘶𝘪𝘭𝘥𝘪𝘯𝘨 𝘤𝘩𝘢𝘴𝘦. https://www.philstar.com/headlines/2026/05/11/2527208/senate-protects-dela-rosa-cites-pursuers-contempt-after-building-chase
[4] GMA News Online. (2026, May 12). 𝘉𝘢𝘵𝘰 𝘥𝘦𝘭𝘢 𝘙𝘰𝘴𝘢 𝘰𝘯 𝘴𝘶𝘥𝘥𝘦𝘯 𝘚𝘦𝘯𝘢𝘵𝘦 𝘳𝘦𝘵𝘶𝘳𝘯 𝘢𝘧𝘵𝘦𝘳 𝘭𝘰𝘯𝘨 𝘢𝘣𝘴𝘦𝘯𝘤𝘦: ‘𝘏𝘪𝘺𝘢𝘯𝘨-𝘩𝘪𝘺𝘢 𝘯𝘢 𝘢𝘬𝘰’. GMA Network. https://www.gmanetwork.com/news/topstories/nation/987387/bato-dela-rosa-senate-return/story/

No comments:
Post a Comment