Saturday, December 19, 2020

LITERARY: "Malabong Litrato" by Ashley Naron Larwa

Araw iyon ng Miyerkules at nakatalaga akong maglinis ng silid-aralan pagkatapos ng isang mahabang araw. Madalas akong magreklamo sa pagiging cleaners; hindi ko matanggap na kailangan ko pang maglinis pagkatapos kong gampanan ang responsibilidad ko bilang mag-aral. Sino ba naman ang matutuwa kung buong araw kang nakaupo sa silya at nagsusumikap na panatilihing nakabukas ang antok mong mga mata, tapos maglilinis ka pa ng kalat ng mga makukulit mong kaklase? Alam kong hindi lang ako, alam kong marami kami sa pederasyong ito. Pero naiiba ang araw na iyon. Hindi kami umabot ng ala-una ng hapon.

Laganap na ang nakatatakot na balita simula pa lamang ng taon, pero hindi ko naman akalaing makatatawid ang hari-harian sa napakalawak nating karagatan. Akala ko'y sapat na ang pagtatakip ng bibig at ibayong pag-iingat, tulad ng nabanggit sa telebisyon, pero noong araw na iyon, alas-dyes ng umaga, pinayuhan ang buong paaralan na umuwi na muna. Tunay nga sigurong hindi mo mararamdaman ang kahalagahan ng bawat minuto sa mismong sitwasyon, bagkus, pagkalipas nito'y mararamdaman mo na lang ang panang nakabaon na't nanunuot sa iyong pagkatao.

Malinaw pa sa aking memorya kung paano ako nagmamadaling umuwi ng bahay, ang mabilisan kong pagkaway at pagsambit ng "kita-kits" sa aking mga kaibigan, at ang pasasalamat ko sa mabilis na pagtatapos ng araw. Pagkalipas ng gabi, nalaman kong kanselado ulit ang araw para sa eskwela, at sa sumunod pang araw, at sa isa pang araw, hanggang sa ang mga araw ay naging linggo, at ang mga linggo ay naging buwan, hanggang sa nalaman kong dito na pala nagtatapos ang taong panuruan. Kung alam ko lang na huli na iyon, sana'y binagalan ko ang bawat hakbang; kung alam ko lang na huli na iyon, sana'y maayos akong nakapagpaalam.

Hindi ko batid kung paano lumipas ang buong taon sa aking harapan, kung paanong sa isang iglap ay pasko na naman. Hindi lingid sa aking kaalaman na marami ang nangyari, na maraming tagpo ang karapat-dapat na ku'nan ng litrato upang mabigyan ng lugar sa mahabang istorya ng ating mundo, pero hindi ba't pagiging masokista ang pagtatago ng mga masasakit na alaala? Dapat ko bang ku'nan ng litrato ang libo-libong garapon at abo? Dapat ko bang ku'nan ng litrato ang kamay na wala ni isang sentimo? Dapat ko bang ku'nan ng litrato ang kagutuman ng aking bayan? Dapat ko bang kunan ang pagkawatak-watak ng lupang sinilangan? Siguro'y dapat nga. Pero sa tuwing kukuhanan ko na ng litrato, nagiging itim at puti na lang ang malabong mundo.

No comments:

Post a Comment