Wednesday, December 23, 2020

"Pasko sa Gitna ng Pandemya" by Jeanylle Ashley Abes

Pamilyar ang lugar na ito
Bawat lingon, bawat kisap ng mata, talagang madarama mo
Makukulay na ilaw ang tumatambad sa daraanan
Bawat apak ng paa’y iba’t iba ang tindang mapagpipilian

Marahan akong lumalakad kasabay ng pagkislap ng mga ilaw sa paligid
Kasabay ng mga taong, sa pawis ay patuloy ang pagpahid
Kasabay ng mga hinahanging parol na nakasabit
Kasabay ng bawat musikang nakakagalak ang awit

Pamilyar ang lugar na ito, ngunit aking napansin
Karatulang nagsasabing pagdistansya sa napakaraming tao’y nararapat na sundin
Bawat lingon, bawat kisap ng mata ay makikita mo
Proteksyon sa kanilang mga mukha’y suot ng lahat ng tao

Kakaiba ang taon na ito ngunit pasko’y hindi lumisan
Tatak sa puso ng pinoy ang bawat paskong dadaan
Hindi pwedeng mawala sa mga tahanan ang pagsasalo-salo
Gayundin ang maibibigay na ngiti ng makukuhang mga regalo

Kahit na sa sandaling pagkurap ng mga mata ko, sistema’y mabilisang nagbago
Kahit na sakit na lumalaganap ay mabilis na dadapo
Hinding-hindi nito maiiba ang pagsalubong sa pasko
Hinding-hindi nito maiiba ang sayang hatid nito


Photos captured by: Marthine Manimtim

No comments:

Post a Comment