Wednesday, January 6, 2021

LITERARY: "Uhaw" by Ashley Naron Larwa

Isang gulo-gulong rubik's cube ang naging titulo sa dyaryo,

Salasalabit na kuwento ang tanyag sa bawat kanto,

Ibang bersyon ang kinikilala ng ibang maestro,

At lahat ay may sariling paniniwala sa nangyaring gulo.


Ang kagustuhang mahanap ang hustisya

Naging motibo para sa paggawa ng hindi tama,

Ang inosente'y binansagang may sala,

Hindi malyete, bagkus ay kanila ring dila. 


Mangmang lamang ang mandaraya

Sa tuwing hindi niya maresolba ang problema,

Hihigitin ang ilang piraso ng sinulid,

Para mapalitan ang piyesang hindi niya mabatid. 


Sa bawat palit ng pirasong hindi tugma,

May isang anggulo ang nananatiling may sira,

Sa bawat tastas sa nagdurugtong na pisi,

Hibla-hiblang kamalian ang sumusugat sa labi.


At sa bawat dugong papatak mula sa kanilang bibig,

Isang puting papel ang narumihan at hindi na maibabalik;

Masyado tayong uhaw sa hustisya,

Na handa tayong kumitil makita lamang ito sa lupa.

No comments:

Post a Comment