Sa isang sulok ng galeriya,
May isang obrang hindi gusto ng madla—
Puno ng guhit na hindi maintindihan,
Waring basta na lamang kinulayan.
Pero sa kabila ng nangangabok na k'wadrado,
Nagtatago ang isang bulaklak na hindi nagbabago—
Wala mang síkat ng atensyon na natatamasa,
Wala mang ulan ng pagmamahal na nagbibigay ligaya,
Kahit kailan ay hindi nalanta.
'Pagkat ang babaeng nakatitig sa obra maestra't sumusulat nitong tula,
Ay binigyan ito ng higit pa sa kinakailangan upang mamunga.
Muling pinagmasdan ang mga guhit sa obra,
Mga maliliit na pagkakamaling tumatak at naging pasa,
Mga bakas ng pag-ibig na nasawi sa gitna ng paggawa,
Mga tipak ng batong pilit ibinabato sa mukha,
Mga sugat na hindi mawala-wala dumaan man ang ilang dekada—
Mga imperpeksyong pilit pinapasamá ng mga taong nakapaligid sa kan'ya.
Hindi ba nila alam na bawat bakas ay ang kan'yang pagkatao?
Hindi ba nila alam na 'tong mga sugat na 'to ang humulma sa kan'yang puso?
Hindi ba nila alam na ang mga ginawa nila'y nagmarka sa buhanginan?
Hindi ba nila alam na sila ang may kagagawan?
Ngunit kahit gano'n,
Pipikit,
Hihinga nang malalim,
At pipiliing kayo'y patawarin.
Sa karamihan ng tao,
Paniniwala nila'y isa s'yang bato;
Ngunit para sa kan'ya,
Isa s'yang obrang mahalaga—
Mahalaga sa puntong pili lamang
Ang tunay na nakakikita sa kan'ya.
No comments:
Post a Comment