Wednesday, April 20, 2022

LITERARY: "Sistema" ni Angel Mae Acio

Published by: Lloyd Agbulos 

Date published: April 20, 2022

Time published: 3:27 PM


Kategorya: Tula

Tema: Gobyerno, Pamamahala

Buod: Sa mga taong mulat na ang mga mata, ang maling sistema ng gobyerno ay hindi makaliligtas sa pagbabago.


Mga kaso na hindi naresolba,

Pagkakasala na isinisisi sa iba,

Matang nakasaksi ng pagkakasala,

Mananatili nalang bang tikom ang mga bunganga?


Bulok na sistema,

Mga maling paghuhusga,

Gobyernong tila may kapansanan sa tenga't mga mata,

Bawat indibidwal ay nawawalan na ng pag-asa.


Sa bayan na tila pabagsak na,

Sistema nito'y palpak pa.


Sa isang pagkakasalang walang madla,

Parusa'y ipinapataw sa iba,

At ang mataas na posisyon sa bayan,

Ang siyang nagpapalaya sakanila.


Mananatili nalang bang tikom ang mga bibig,

Dahil sa alam mong hindi ito madidinig?

At mananatili na lang bang bingi, pipi, at bulag,

Kung may mga indibidwal sa iyong paligid ang hindi na napapanatag? 


Anong batas at sistema nga ba ang isinasakatuparan?

Mga kamaliang nagawa ng nakatataas ay palagi na lamang bang pagtatakpan?

Iba na nga ba talaga ang pinagbabasehan,

Nasa kung mataas o mababang posisyon na ba sa lipunan?


Kung sino ang nasa baba siya palagi ang may sala, 

At kung sino ang nasa taas ay siyang palaging napo-proteksyunan.

Wala na ba talagang pantay na pagtrato sa isa't isa?

Palagi nalang bang nakatataas ang inyong isasalba?


Sabay-sabay tayong sumigaw,

Wag isipin kung nasa parteng mababaw,

Hindi man natin mapabitaw,

Basta't mabigyan lamang ng pataw.


Tara na't baliktarin ang tatsulok,

Dahil ito'y matagal nang bulok.

Idiin ang mga nararapat na idiin,

At piliin ang mga karapat-dapat na magsilbi.


Lisanin na ang bawat gilid,

Opinyon ay kailangan ng ipabatid.

Itama ang mga desisyong tumagilid,

Piliin ang mga taong hindi mapapatid.


Ang sistemang ito ay malala na,

Ngunit tayo'y may mailalaban pa.

Simulang baguhin ang kanilang sistema,

Dahil tayo ay namulat na.

No comments:

Post a Comment