Published by: Aliyah Margareth Imbat
Date published: September 19, 2022
Time published: 9:09 AM
“Forda ganda ang ferson!”
“Dasurb!”
“Ammacana ackla”
“Chariz, char, charot!”
Mga katagang sa una’y nakakapang-alinlangang gamitin dahil sa hindi malinaw na mga kahulugan, ngunit kalaunan ay tila mga normal na salita na lang na niyakap na ng mga kabataan.
Sa paglipas ng bawat taon ay siya ring pag-usbong ng mga nauusong salita sa ating bansa na hanggang ngayon ay gamit na gamit lalo na ng mga kabataan. Kakikitaang mabilis ang proseso ng pagkalat ng mga ganitong salita, dahil sa aplikasyon ngayon na “Tiktok”. Sa tulong ng Tiktok ay gumagana ang pagkamalikhain ng mga Pilipino sa paggawa ng entertainment video na siyang dahilan ng pagbuo ng mga bagong slang words. Sa pamamagitan din nito ay mabilis maipaparating sa mga manonood nito ang nausong video at kalaunan ay ginagaya na ng mga tao, higit lalo ng mga kabataan.
Ilan sa mga halimbawa nito ang mga slang words na G-words, kung saan nilalagyan ng letrang G ang bawat patinig ng isang salita, nagsilbi rin itong codes noong mga kapanahunan nito upang maging sikreto ang palitan ng usapan.
Isa ka ba sa mga nagbaliktad ng pangalan sa facebook account, noon? Isa rin ito sa mga sumikat na slang words na hanggang ngayon ay ginagamit pa rin, dito ay binabaliktad ang spelling ng bawat salita. Isang halimbawa ay ang salitang 'mismo' na kapag binaliktad ay magiging 'omsim'. Ang katagang 'charot' ay ginagamit sa pagbibiro imbes na sabihin ang salitang 'joke', ang "chariz" at "char" ay mula rin sa salitang ito. Ang mga gay lingo ay unti-unti na ring nakikilala dahil mapa-babae man o lalaki ay gumagamit na rin ng ganito.
Ang mga ganitong balbal na salita ay maririnig mo sa kahit saan, patunay lamang na lumalaganap ito. Asahang sa mga susunod pang taon ay may mga panibagong mauuso ulit na slang words.
No comments:
Post a Comment