Wednesday, November 2, 2022

π—£π—”π—‘π—œπ—§π—œπ—žπ—”π—‘: "Baryo Bente-Siyete: Ophelia" ni Honey Grace Tolentino

 



Published by: Aliyah Margareth Imbat

Date Published: November 2, 2022

Time Published: 12:10 PM


Kategorya: Prosa

Tema: Misteryo sa baryo bente-siyete

Sinopsis: Sa bawat taon may panahon tayong kinagigiliwan at kinasasabikan. Sa sobrang tuwa ay limot na nga ang ilang problema sa buhay, marahil dahil dito ay nanaisin mong balik-balikan ang araw at oras na iyon...hindi ba?


Isa sa mga pinakaabangan na panahon ng aming baryo ay ang Halloween. Hindi lang dahil sa magkakaroon ng pagtitipon sa amin, kundi na rin sa pagkakataon na makapagpupuyat ang karamihan. Kaya naman bata man o matanda ay sabik na sabik sa araw na iyon. Simula pa kasi ng bata palang kami ay talagang ipinagdidiinan na sa'min ang batas na tanging baryo bente siyete lamang marahil ang gumagamit; alas-sais palang ng gabi ay dapat tulog na ang lahat.

Isang dapit hapon noon, sumilip ako sa bintana dahil sa narinig kong tunog ng sasakyan na huminto sa kaharap naming bahay. Sa pagkakatanda ko ay ilang taon nang walang naninirahan sa bahay na 'yon. Ang sabi-sabi pa nga ng mga kalaro ko ay may nakikita raw silang palakad-lakad sa ikatlong palapag ng bahay na 'yon. Kung tutuusin kasi ay mansyon na ang katapat naming bahay.

Punung-puno ito ng mga talahib na matagal nang hindi naaalis. Wala kasi kahit isa ang may gustong mag linis noon. Kahit ang mga matatanda ay hindi lumalapit doon dahil talagang magsisitaasan daw ang balahibo sa unang apak palang sa tapat ng mansyon.

Ganoon nalang ang pagtatakha ko sa pagdating ng babae na iyon lalo na at sadya atang sa mansyon ang pakay niya. Hinuha ko ay kasing edad niya lamang ang kuya ko na nasa huling taon na ng kolehiyo. Dahil nga napuno ako ng kuryosidad, hindi ko na rin napigilan ang sarili ko na lumabas ng bahay kahit malapit nang sumapit ang alas-sais ng gabi.

"Magandang gabi po," bati ko sa babae. Napakaganda niya. Hindi sapat ang mga papuri na ibibigay ko sa gandang taglay ng babae. Napakaganda rin ng itim, bagsak, at mahaba niyang buhok. Napakakinis ng kaniyang balat at tila naligo siya sa gatas sa sobrang puti. Ngumiti siya sa'kin at umupo para magkapantay ang paningin namin. Hinaplos niya lang ang buhok ko at saka muling tumayo para buksan ang gate papasok ng mansyon.

Simula nung araw na 'yon ay hindi ko na nakita pa na lumabas ang babae. Hindi ko rin iyon pinagtuunan ng pansin dahil isa ako sa mga nananabik sa pagtitipon at marahil na rin sa edad kong hindi pa lubos makaunawa sa mga sitwasyong kagaya nito.

Ilang oras nalang ang natitira para sa pagtitipon. Inutusan ako ng nanay na ibigay kay Aling Nenita ang mga kamatis na gagamitin para sa palaro mamayang gabi. Sa paglabas ko palang ay damang-dama na ang nalalapit na Halloween sa aming baryo. Iba't-ibang disenyo ang nakasabit sa bawat bahay na madaanan ko, liban nalang sa mansyon na nasa tapat ng aming bahay.

Dumating ang oras na nakatakda para sa pagtitipon. Kaniya-kaniyang hain ng handa ang mga matatanda sa lamesa, kami namang mga kalaro kong bata ay nagsimula na rin magtakbuhan at magtakutan. Natawa pa nga ako matapos umiyak ng kaibigan ko dahil sa kwento ng kaniyang tiyuhin. Labis siyang natakot at hindi napigilang humagulgol. Nagsimula ulit ang tugtugan at natapos ang pag-iyak niya kaya naman bumalik kami sa paglalaro.

Narinig ko ang pag-uusap ng mga matatanda, ang dinig ko ay sa nakaraang linggo raw ay isa-isang nawawala ang mga pusa sa baryo namin. Talamak kasi ang pusa rito pero hindi namin itinatanggi ang presensiya nila. Nakakatulong kasi sila sa paghuli ng mga bubwit na kinaiinisan ng mga magsasaka rito sa baryo.

Sa kalagitnaan ng kasiyahan ay biglang bumukas ang pinto. Dala siguro ng hangin ang malakas na pagkalabog nito. Pumasok dito ang isang pigura na siyang matagal na rin usap-usapan ng nakararami. "Si Ate Ophelia!" sigaw ng isa kong kaibigan. Tumingin sa kaniya ang babae at matamis na ngiti ang ibinigay. Hindi na nawala ang ngiti ni Ate Ophelia kahit pa puno ng mapanuyang tingin ang ibinabato sa kaniya.

Paano kasi kakaiba rin ang kasuotan niya. Napakahaba ng suot nitong damit. Itim na bestida ang kaniyang suot. Umaabot ang puti at kwadradong kwelyo nito sa may bandang tiyan niya, ang laylayan naman ng bestida at humahalik na rin sa lupa. Bawat hakbang ni Ate Ophelia ay dumudungaw ang itim at makinang na sapatos niya. Wala naman gaanong masasabi sa bestidang suot nito, kinatutuwa pa nga ng iba ang haba ng kaniyang pananamit dahil pasok ito sa panlasa ng matatanda.

Marahil ang mapanuyang tingin ay talagang para sa itim na belong tumatalukbong sa kaniyang mukha na abot sa kaniyang dibdib.
Dahan-dahang inilapag ni Ate Ophelia ang tray na dala niya at saka isa-isang tumingin sa mga tao rito. Nang magtama ang mata namin ay bigla akong kinilabutan. Nakaramdam ako kakaibang pakiramdam na noon ko lang din naramdaman.

Hindi ko na namalayan ang mga sumunod na nangyari matapos pumailanlang ang isang matinis at nakakarinding tili ng kaibigan ko. Ang huli kong nakita ay ang asul at pulang ilaw mula sa mga sasakyan ng mga pulis, nakakairita rin sa tainga ang pauli-ulit na tunog ng sirena ng mga ito.

Matapos matapunan ng tingin ko ang mansyon na napaliligiran ng dilaw na tape ay natanaw ko sa malayo ang isang babae na tila hibang na at sumasayaw sa harap ng mga nakalambitin na pigura. Nakataas ang magkabila niyang braso at nagliliwaliw pa habang kumakanta. Lumingon ito sa'kin at doon ko natanawan ang itim niyang belo. Sa ilalim nito ay ang ngiting hindi ko na mabubura pa sa aking isipan. Sobrang laki nang pagkakangiti niya, para bang aabot na ang gilid ng kaniyang bibig sa kaniyang tainga. Napapikit ako matapos marinig ang putok ng baril.

Ilang taon na rin ang nakalipas matapos ang insidenteng iyon. Hindi ko parin malimutan ang babae na iyon na siyang tinawag naming Ate Ophelia. Ni isang balita patungkol sa kaniya ay wala akong narinig.

Napadaan ako sa tapat ng mansyon. Imbis na lumayo ay lumakad ako papasok dito. Huminto ako sa ikatlong palapag sa tapat ng basag na bintana at pinagmasdan ang sarili ko rito. Nang maalala ang ngiti ni Ate Ophelia ay kinilabutan ako. Muli akong napatingin sa salamin at doon nakita ang ngiti sa aking labi. Hinaplos ko ang mahaba, itim, at bagsak kong buhok na siyang nagbibigay buhay sa tila gatas kong balat. "Ophelia!" tawag ng nanay sa'kin. Agaran akong umalis doon at sumagot ng, "Po?"

Sa paglabas ko ng gate ay natanawan ko sa gilid ng paningin ang isang babaeng napakahaba ng suot na itim na bestida at ang wala sa lugar nitong belo. "Magandang gabi po," tinig ng isang bata sa harapan ko. Sinipat ko ang bata bago tuluyang lingunin ang nasa gilid.

Nagtama ang aming paningin at tila salamin ang aking katapat dahil sa aking pag ngiti, ay siya rin pag ngiti niya.

Photo by: Angel Acio

No comments:

Post a Comment