Friday, September 1, 2023

π—žπ—’π—Ÿπ—¨π— : “Pulis ako: Kaligtasan o Kamatayan?” ni Abigail Job F. Alla


Cartoon by Ayessa Espino

Published by: Faith Villaluna

Date Published: September 1, 2023

Time Published: 10:46 AM


Kahit anong edad bata man o matanda ay walang kawala sa labis na pagpatay ng mga kapulisan noong panahon ng laban kontra droga ni dating Pangulong Duterte. May mga dalang baril, listahan ng mga dapat hulihin—ngunit biglang magpaputok ng baril—tinamaan ang hindi dapat tamaan, at isang biktima na naman ang maiuugnay sa balita. 


Hindi na bago sa mga Pilipino na makarinig ng mga pangyayari na konektado sa pagpaslang, dahil noong Mayo 10, 2017 ay naglabas ng balita ang Inquirer, kung saan ay umabot sa 1,104 ang namatay sa kamay ng mga kapulisan sa gitna ng kanilang mga operasyon laban kontra droga [1]. Maraming menor de edad din ang binawian ng buhay—sila ay wala pang kamuwang-muwang sa mundo ngunit naranasan na agad ang karahasan nito.


Kasama ang kanyang ama, nakasakay sila sa isang motorsiklo nang tinamaan ng bala ang Apat na taong gulang na si Althea Barbon. Nangyari ito sa gitna ng buy-bust operation—katwiran ng mga pulis ay di umano hindi nila nakita ang batang sakay sa motorsiklo [2]. Hindi ba’t dapat munang siguraduhin ang kaligtasan ng mga sibilyan sa paligid bago hulihin ang isang suspek? Lalo na’t kung maraming inosente ang nasa lugar.


Si Myca Ulpina naman ay isang tatlong taong gulang na binawian ng buhay dahil sa tama ng bala sa ulo noong Hunyo 29, 2019. Naganap rin ito sa gitna ng isang operasyon na kung saan ang kanyang ama ang target. Ginamit di umano si Myca ng kanyang ama bilang pang-sangga mula sa mga pulis [3]. 


Sa tuwing ang mga nasa laylayan ay pinaghihinalaan o mapapahamak, parating may katuwang na baril na nakatutok sa kanila ang nakahanda. Ngunit ibang pangyayari ang iyong makikita kapag ang isang mayaman at may kapangyarihan ang may sala.


Isang drayber na retiradong pulis ang nahuling nantututok ng baril sa isang siklista sa lungsod ng Quezon. Ayon sa mga pulis, kinumpiska na ang kanyang mga baril. Noong Agosto 27 naman ay nagsaad ng isang press conference  ang naturang drayber, kung saan kanyang ipinaliwanag at ipinagtanggol ang kanyang panig [4].


Dito sa insidente ng siklista at retiradong pulis ay nagpapakita na mayroong 'pribilehiyo' na binibigay sa mga may kapangyarihan—kahit sila na ang may mali, sila pa rin ang pinapaboran. Ngunit kung ikaw ay simpleng mamamayan lamang, ikaw ay maaaring mamatay agad kahit walang kasalanan.


Dala ang baril at ang katagang "pulis ako" ay mayroong naidudulot na kapahamakan at karahasan sa mga mamamayan. Sapat na nga ba ang katungkulan upang hatulan ang buhay ng isang tao? 


Takot at paghihinagpis ang nararamdaman sa tuwing makakaenkwentro ng isang pulis. Hindi na natin ito maikakaila lalo na't hindi na mabilang sa daliri ang mga taong mabiktima at napaslang sa kanilang mga kamay.


Patuloy na hihilingin ang hustisya para sa mga biktima. Isisigaw ang karapatan na magkaroon ng sapat, pantay-pantay, at dumadaan sa proseso na hatol sa bawat pangyayari. Hindi na dapat pang manaig ang kultura ng karahasan. 


#


Mga Sanggunian:

[1] INQUIRER.net. (2017, February 17). THE KILL LIST | Inquirer News. https://newsinfo.inquirer.net/794598/kill-list-drugs-duterte

[2] Gavilan, J. (2017, August 19). LIST: Minors, college students killed in Duterte’s drug war. RAPPLER. https://www.rappler.com/.../179234-minors-college.../

[3] Id.

[4] Lee, I. (2023, August 28). Driver in viral road rage incident surrenders. ABS-CBN News. https://news.abs-cbn.com/.../driver-in-viral-road-rage...

No comments:

Post a Comment