Wednesday, October 11, 2023

π—£π—”π—‘π—œπ—§π—œπ—žπ—”π—‘:“Kahirapan tungo sa Kaginhawaan ” ni Gayle L. Carandang


Published by: Alessandria Erich Alaso

Date Published: October 11, 2023

Time Published: 8:12 AM


Kategorya: Tula

Tema: Hirap na nararanasan ng mga estudyante sa pag-aaral


Maagang paggising, kinaiinisan
Malamig na tubig sila’y bubuhusan
Araw-araw na lang palaging ganyan
Danas ng batang takot sa paaralan

Sa malalayong lugar grabe ang hirap
Upang matupad lang ang mga pangarap
Tawirin ang ilog at bundok na may ulap
‘Di alintana ang kanilang paghihirap

Lahat nagmamadali lalo sa lungsod
Agawan sa pagsakay, panay ang usod
Tagaktak na pawis ay tiyak na susunod
Hindi pwedeng mahuli na alinsunod

Kapag umpisa na ang klase ng guro
Siya ay kabado na sa pagtuturo
At naalala ang kahapong itinuro
Maikling pagsusulit tiyak namumuro

Lalong papatak ang pawis na ga-monggo
Nakalimutang paksa ay irepaso
Laro kasi ang kanyang inasikaso
Kaya ngayon siya ay namimiligro

May mga bata na pinaghihirapan
Ang mga aralin, kanyang dapat matutunan
Abot tanaw kasi ang kinabukasan
Magandang buhay, hirap ‘di maranasan

Mga mag-aaral dapat na isaisip
Hirap binabata halos di maidlip
Sa panig mo naman sana ay malirip
Ang nanay at tatay tuliro ang isip

Kung sa pag-aaral ay nahihirapan
Magandang bukas naman ang kapalit n’yan
Ibayong sikap at sipag ay ilaan
Magdasal sa Diyos na maaasahan



 

No comments:

Post a Comment