Tuesday, December 12, 2023

π—£π—”π—‘π—œπ—§π—œπ—žπ—”π—‘: "Ang inutang na ulam" ni Ashley Borga



Inilathala ni: Katelyn Mae Armenta

Petsang Inilathala: Disyembre 12, 2023

Oras na Inilathala: 10:39 PM



Kategorya: Maikling Kwento

Paksa: Krimen sa kabataan


Sa dilim ng daan sa gabing tahimik at sa buwang walang kasing liwanag, ako'y naglalakbay. Suot-suot ang bistidang puti na may pulang rosas sa laylayan na regalo ni inay bitbit-bitbit ang lutong ulam na inutang sa kalayuan.Mag-isa't naka paa, nakangiti't walang binabahala.


Sinasarili ang kapayapaan, ngunit 'di nagtagal ito'y nasira nang masilayan ng aking mga mata ang bunso kong kapatid na hawak-hawak ni ina na tila ba'y alalang-alala at hindi ko mawari kung bakit kay rami nilang kasama. Paulit-ulit kong naririnig, iba't ibang tinig.Tinawag ko si inay, ngunit tila siya'y nabibingi. Sinubukan kong kuhain ang atensyon ni bunso,ngunit tila siya'y nabubulag.


Sila'y papalapit nang papalapit sa aking kinaroroonan, at sa tindi ng siklab ng apoy na kanilang dala-dala, nakita ko ang luhang walang tigil kung umagos mula sa kanilang mga mata. Nakapagtataka, bakit tila hindi nila ako kilala?


Habang nasa parehong posisyon at nagugulumihanan, sinusundan ng aking tingin sila ina, nang bigla akong nakarinig ng malakas na paghiyaw. Hiyaw ng nasasaktan na para bang namatayan, agad akong lumapit buhat ng pagtataka.Doon nakita ko ang batang babaeng nakasuot ng bistidang tulad ng akin at may hawak na ulam na wangis ng aking dala-dala at di tulad ko, siya'y walang malay sa gitna ng daan.


Doon, doon ko napagtanto, tumigil ang aking mundo, bumalik sa alaala ko ang bagsik ng lalaking humila sa aking braso sa gitna ng dilim at sa kahit anong palag ko o kahit anong lakas ng aking pagsigaw ay mas nagpupumilit siya sa akin hanggang sa hindi ko na alam, hindi ko na namalayan, hindi ko na pala naiabot ang ulam na paborito't inaantay nila sa aming tahanan.





No comments:

Post a Comment