Inilathala ni: Hannah Rondaris
Petsang inilathala: Enero 1, 2024
Oras na inilathala: 3:18 PM
Nakatatak na sa kultura at araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino ang pangunahing uri ng transportasyon sa ating bansa—ang jeepney. Ito ang puso at nagiging daluyan ng bawat mamamayan kung kaya’t malaki ang kanilang papel sa ating lipunan.
Nakatayo, nag-aabang sa pagdating ng mga tsuper—normal na gawain ng isang komyuter—ngunit paano kung hindi na darating ang mga tsuper?
Sa bawat pahina ng ating mga buhay, nariyan ang mga jeepney na saksi sa ating bawat yapak sa buhay—mula sa hirap hanggang tagumpay.
Kung kaya naman ngayon sa kanilang sigaw na #NoToJeepneyPhaseout, samahan natin silang iparinig ang kanilang tinig. Ang laban na ito ng mga tsuper ay laban din ng mga komyuter dahil ang mga komyuter ang pinakaunang maapektuhan.
Hindi humihingi ng konsiderasyon ang mga tsuper tungkol sa modernisasyon na iniihahain kung kanila itong kakayanin. Humihingi ng makataong programa ang mga tsuper dahil ang kanilang mga jeepney ang bumubuhay sa kanilang mga pamilya at kung mawawala ito ay mawawalan din sila ng kabuhayan.
Hindi ito simpleng pagsang-ayon o hindi lamang sa isang programa—ito ang paghingi ng nararapat na patakaran upang ang lahat ay nasa mabuting kalagayan at wala sa bingit ng kahirapan.
Maaaring magkaroon ng modernisasyon ngunit dapat isinasaalang-alang ang kapakanan ng mga Pilipino.
Kasabay ng ating pagtindig habang nag-aantay sa muling pagpasada ng mga tsuper; dapat tayo rin ay makiisa sa kanilang laban upang ang araw na ito ay kanilang hindi maging huling pasada. Ating ibigay—ruta ng pag-asa at suporta para sa mga tsuper.
No comments:
Post a Comment