Thursday, March 7, 2024

𝗣𝗔𝗡𝗜𝗧𝗜𝗞𝗔𝗡: "Hindi Ba Sapat?" ni Eric Aguirre

 

Disenyo ni Chrisian Jaira Barles

Inilathala ni: Shernes Kimberly Saldon
Petsang Inilathala: Marso 7, 2024
Oras na Inilathala: 3:35 PM

Kategorya: Tula
Tema: Pagmamahalang kailanman 'di naging pantay


Masaya na malungkot—
N'andito—pero parang nanduon?
Ako'y natutuwa, ngunit naluluha—
Tama pa ba ito o mali na?

Nagsimula sa blangkong pahina—
Gamit ang plumang puno ng tinta,
Isinulat ang masasayang memorya,
kasama nang lungkot at ligaya.

Sa bawat linyang naisulat natin,
Ala-ala nating magkasama—
Napaka sarap balikan,
Ang ngiting nating 'di matumbasan.

Ngunit, ginhawa ay napalitan
ng biglang lungkot at kapaitan.
Ikaw din ay nagbago—
Tanong ko, "May nagawa ba ako?"

Dumating na ang panahon—
Ang pahid ng luha ko'y kumapal.
Hindi ko inasam—
pero bakit nagparamdam?

"Magulo ang mundo"
ito ang sinabi mo.
Mapanakit ang mga tao,
Ako'y naniwala sa'yo.

Hindi ko mawari—
kung ako ba'y makasarili?
Pinipilit kong unawin,
Bagay na labag sa'king damdamin.

Pinunan ko ang pagkukulang,
sa dati mong pusong nauhaw.
Ginawa ko naman ang lahat,
pero ito ba'y naging sapat?

Sabihin mo sa'kin—
kung ako ba'y may pagkukulang?
Aking aayusin nang buo—
Para maibalik ka lang?

Pero ubos na ang pahina ng aklat,
tapos na ang kabanata pang-apat.
Napunit na din ang ikatlo—
at magulo ang ikalawa.

Hindi ko na maintindihan,
kung ipagpapatuloy pa?
Masyado na akong nasaktan.
Dapat ay, itigil ko na—

Saksi ang kalangitan,
Kung gaano kita minahal.
Pero ngayon, ako ay lilisan—
at handa ka nang iwan.

Hangad ko ang kaligtasan,
at kasiyahan mo—subalit
hindi na'ko ang magbubuo nito
dahil pagod na rin ako.

Ako'y nagtiwala—
Na ikaw ay magbabago.
Pero, hanggang dito na lang din tayo,
Maraming salamat sa’yo.


No comments:

Post a Comment