Friday, September 27, 2024

π—£π—”π—‘π—œπ—§π—œπ—žπ—”π—‘: "Mga tono, tutugma pa kaya?" ni Francheska B. Villarosa

Disenyo ni: Cianyah Mendoza

Inilathala ni: Annika Howie Quizana

Petsang Inilathala: Setyembre 27, 2024

Oras na Inilathala: 4:25 PM


Kategorya: Prosa

Paksa: Pagsusumamo sa pag-ibig


"Dahil nga sa pagbabanda’y nakilala ka."

Habang pinapakinggan ng aming banda ang bagong labas na kanta ng aming paboritong mang-aawit, naisipan naming subukang tugtugin ito. Bawat isa ay abala sa pag-aayos at pagtotono ng kanilang gagamiting instrumento, samantalang ako naman ay inihahanda ang aking boses kung saan ako ang naatasang umawit. Pagkapwesto ng lahat sa istudyo, dali-dali ang ginawang sulyap sa taong siyang bumubuo ng aking larawan sa ideya ng kanta at tanging binubulong lamang nito ay, “Muli pa kayang hihimig ang siyang tibok ng iyong puso?”

Nagising na lamang ang aking diwa sa mga tipa ng mga instrumento at sa labi kong sinimulan ang taludtod. Sa kalagitnaan, sumabay sa paghimig ang mga unang pagpukpok sa bilugang tambol na siyang pagkabog din ng aking puso, tila ba ito ang siyang kukumpleto sa piyesang hindi natapos. Naisip ko, kung sa ganitong paraan muling pagtatagpuin ang mga mundo namin sa gamit ng mga tinig, hiling ko sana’y hindi na maulit ang hahadlang sa komposisyong nasimulan.

May iba pa kayang ipinapahiwatig ang bawat pagpadyak at dampi ng iyong paghampas? Maaari pa kayang balutin mo akong muli sa yakap at hagkan gamit ang iyong braso’t kamay na iyong iniindak sa bawat mabibigat na iyong pagpalo? Maaari pa kayang simulan muli ang kanta? Para kahit papaano naman masilayan ko muli ang iyong imaheng lilisan sa sandaling huminto ang mga instrumento mula sa pagtugtog.

Ang koro ng kanta ay pangalawang beses nang naulit, siyang isinasaad na malapit na itong magwakas. Bago ko man masambit ang mga huling liriko ng kanta, ramdam ko ng hindi na muling makukumpleto ang bawat piyesa na iyong inabandona. Sa huli, tuluyang mag-iiwan ng bakas at bibingi sa aking mga tainga ang mga sandaling sinabayan mo ang paghampas sa mga sirko sa nagsusumamong pintig ng aking puso. 

"Salamat nga sa musika, natagpuan kita bigla."

PINAGMULAN NG IMAHE:

Zild [@zildbenitez]. (2024, July 27). My new album comes out in 2 weeks >>>>>> [Photography]. Instagram. https://www.instagram.com/p/C96VAkzzt8Y/?igsh=MTJsbXZkZHk1bHRobg==

SANGGUNIAN:

[1] Zild. (2024, July 14). Zild - Lia (official video). YouTube. https://youtu.be/Z6nzdtuHi0Y?si=jBBs-Pfq97FNc1bE


No comments:

Post a Comment