Inilathala ni: Marino Peralta
Petsang Inilathala: Oktubre 1, 2024
Oras na Inilathala: 12:00 PM
Ginunita ng mga mag-aaral ng elementarya ang pagtatapos ng Buwan ng Wika sa Danilo V. Ayap (DVA) Gymnasium ng Lyceum of Alabang noong ika-9 ng Setyembre na umaayon sa temang "Filipino: Wikang Mapagpalaya."
Bilang pagpapakita ng pagdiriwang ng nasabing buwan, nakilahok ang iba't-ibang mag-aaral mula kindergarten hanggang ika-6 na baitang sa mga programang sinimulan ng paaralan tulad ng tula, isahang pag-awit, malikhaing pagsayaw, at katutubong pagsayaw.
Bago umpisahan ang programa, binigyang-diin ng mga punong-abala ang kahalagahan ng wikang Filipino at ang pang araw-araw na paggamit nito ng mga Pilipino na siyang nagpapayaman sa tradisyon at kultura ng bansa.
Nagpamalas ang mga mag-aaral mula ika-1 hanggang ika-3 baitang ng kanilang galing sa pagtugma ng tula, produkto na gawa ng bawat isip ng mga lumahok kung saan nanalo sina Tiara Joy D. Dimaan bilang kampeon, Christina Mirteya G. Tablante sa ika-unang puwesto, at Nicole L. Oray sa ikalawang puwesto na sumunod nito.
Sa larangan ng pagkanta, kani-kaniyang pagpapakita ng pagbirit at pagkanta ang mga mag-aaral ng ika-4 hanggang ika-6 na baitang. Sa huli, sina Tifanny Janelle D. Dimaano, Phoebe Laurice M. Bayla, at Arien M. Robenacio ang nagwagi ng kampeonato, unang gantimpala at ikalawang gantimpala.
Ang mga mag-aaral naman mula kindergarten hanggang ika-3 baitang, mula sa iba't ibang pangkat ay nagpresenta ng madamdamin at malikhaing pagsayaw na nagpakita ng pagmamahal sa kultura at wika ng Pilipinas. Ang kompetisyon ay nagtapos sa paghirang na panalo sa ika-3 baitang bilang kampeon, kasunod ng ika-2 baitang at kindergarten para sa una at ikalawang puwesto.
Naipakita naman ng nasyonalismo at pagmamahal sa mayabong na kultura ng Pilipinas ang mga estudyante mula ika-4 hanggang ika-6 na baitang sa pamamagitan ng paglahok sa patimpalak ng katutubong pagsayaw, siyang nagbunga ng pagkapanalo ng mga kalahok mula sa ika-6 na baitang na naging kampeon, ika-5 baitang na pumwesto para sa unang gantimpala, at ika-4 na baitang para sa ikalawang pwesto.
Ayon kay Gng. Editha O. Lim, isang guro mula sa ika-4 na baitang, sa isang panayam ng Ang Aleta, ay lubos na nakalulugod dahil naituloy na rin ang pagwawakas ng Buwan ng Wika na ilang beses nang naantala dahil sa hindi magandang lagay ng panahon.
“Sa pagdiriwang natin ng Buwan ng Wika kada taon, dito natin naipapakita yung kahalagahan ng ating kultura bilang isang Pilipino at naipapaalala natin sa mga kabataan, lalong lalo na sa mga estudyante na maliliit, na maganda pala ang kulturang Pilipino,” dagdag niya pa.
Ang bawat kalahok na nanalo dahil sa kanilang galing na ipinakita ay pinarangalan ng sertipiko at medalya sa DVA Gymnasium sa kaparehong araw ng pagdaos ng mga patimpalak.
Sa pagtatapos ng Buwan ng Wika, naipakita ang talento ng bawat mag-aaral, maging ang kooperasyon ng mga kawani ng paaralan dahilan upang matiwasay na naidaos ang bawat programa ng eskwelahan mula umpisa hanggang wakas.
No comments:
Post a Comment