Friday, October 11, 2024

π—£π—”π—‘π—œπ—§π—œπ—žπ—”π—‘: “Nararamdaman” ni Frans Danielle R. Castillo


 

Disenyo ni: Edward Tabig 


Inilathala ni: Christine Mae Karunungan

 

Petsang inilathala: Oktubre 11, 2024 


Oras inilathala: 1:00 PM



Kategorya: Prosa

Paksa: Tinatagong nararamdaman 



Ang dali lang sabihin ng nararamdaman mo para sa isang tao, sasabihin mo lang sa kanila kung gaano mo sila kagusto o kamahal. Kaya hindi ko rin maintindihan kung bakit ang daming natatakot na aminin ang kanilang nararamdaman sa taong gusto nila. 


Kaya noong namalayan kong nagugustuhan na kita, tila lahat ng tapang sa loob ko ay agad na naglaho. Ang maingay kong personalidad ay biglang tumahimik. Ang magulo na kinasanayan kong galawan ay agad na pumirmi. Hindi, imposibleng magkagusto ako sa aking kaibigan. Sinabi ko pa nga sa sarili ko ay lilipas din ito, pero habang tumatagal, lalong lumalalim ang pagtingin ko sa’yo. Simpleng pagpapakita mo ng kabaitan sa akin ay agad akong nanlalambot. Kahit ang mga biro mo na hindi nakakatawa para sa iba ay napapatawa agad ako. 


Naiintindihan ko na sila. Nakakatakot nga na aminin ang nararamdaman lalo na kapag nahulog ka sa dapat kaibigan lang. Pero anong magagawa ko? Isang ngiti palang niya ay hulog na agad ako. 


Sapat na siguro sa akin ‘to. Sapat na sa akin na hanggang kaibigan lang ang namamagitan sa ating dalawa para masabi kong parte ka ng buhay ko. Ngunit minsan hindi ko mapigilan mapaisip kung may ibig sabihin ba talaga ang pagnanakaw mo ng sulyap sa akin. Hindi ko mapigilan mapaisip kung ni isang beses ba ay tinuring mo ako na higit pa sa isang kaibigan lang. Hindi ko mapigilan mapaisip kung nangungulila ka rin ba sa akin katulad ng pangungulila ko sa’yo.


Oo, hindi ko matatanggap ang buhay kung saan hindi ko mararamdaman na mahawakan ang iyong kamay. Ngunit hindi ibig sabihin no’n ay isasakripisyo ko ang ating pagkakaibigan para sa kapakanan ng aking nararamdaman. 


Kaya mas pipiliin kong mahalin ka nalang nang tahimik imbis na magpatuloy sa buhay nang wala ka.

No comments:

Post a Comment