Disenyo ni: Danah Faye Veloso
Inilatlaha ni: Sarah Belamide
Petsang Inilatlaha: Nobyembre 1, 2024
Oras na Inilatlaha: 1:35 PM
Kategorya: Prosa
Tema: Nawasak na pagkakaibigan dahil sa pag-aaminan
Ilang taon na ang nakalipas, ngunit hanggang ngayon ay sariwa pa rin ang nakaraan.
Naririnig ko pa rin ang paghampas ng alon sa mga paa natin, at ramdam ko pa rin ang ihip ng malamig na hangin.
Pero ang hangin ba talaga yung malamig, o yung nangyari sa atin?
Noong walang katapusang tawa at katuwaan, ngayon ay naging sandaliang tingin na lamang. Mga usapan na umabot ng umaga, ngayon ay mga nakakapanghinayang na kamustahan na lang. Kung alam ko lang na sa ganito mapapadpad ang ating mga pinagsamahan, sana hindi ko nalang pinanindigan.
“Mahal kita. Ilang taon na.”
Naiisip ko pa rin ang iyong mga mata, naghahanap ng kumpirmasyon at tila bang tinatanong ,“Seryoso ka ba?” Ngunit ikaw ay natulala na lang, hindi alam ang susunod na sasabihin.
“Hindi mo naman kasalanan na hindi mo rin ako mahal.”
Alam kong noong oras na nadulas ang aking bibig at nasabi ang nararamdaman, hindi na natin maibabalik ang nakaraan. Pero mali ba na hanggang ngayon ay ako ay umaasa at nagdadasal na bumalik lang kahit ang ating matagal na pagkakaibigan? Ang mga taon na walang humahadlang sa ating katuwaan. Ang mga taon na hanggang ngayon ay aking binabalik-balikan, ngunit sa mga litrato at alaala na lamang.
Minsan, hindi ko mapigilan na isipin ang ating buhay kung hindi tayo lumayo sa isa’t-isa. Hindi ko mapigilan na isipin ang mga pangako na nauwi lang sa wala.
“Magtatapos tayong magkasama, tiwala lang.”
Natapos na ang lahat, hindi mo naman sinabi na pati ang pagkakaibigan natin ay matatapos din.
SANGGUNIAN:
TBA studios. (2020, April 24). I’m Drunk, I Love You. Youtube https://www.youtube.com/watch?v=SiZ1hDkjrno
No comments:
Post a Comment