Disenyo ni: John Maclen Dolor
Inilathala ni: Kristine Caye Emono
Petsang Inilathala: Marso, 27, 2025
Oras na Inilathala: 1:03 PM
Ang ating mga guro ay nagsisilbing mga bayani. Sila ay nagbibigay ng mga kaalaman para sa mga kabataang itinuturing na pag-asa ng bayan. Ngunit, ang ating mga bayani ay hindi tinatrato nang tama, sapagkat ang kanilang kita at benepisyo ay hindi sapat, na nagiging dahilan ng kakulangan ng mga guro sa buong bansa.
Ayon sa datos ng Department of Education (DepEd), nasa 89,506 na guro ang kulang sa buong bansa. Upang masolusyonan ang kakulangan ng mga guro, nangangailangan ang DepEd ng 5.6 bilyong piso sa ilalim ng kanilang basic education program. Gayunpaman, sa kabila ng mga hakbang na ginagawa, patuloy pa rin ang isyu sa kakulangan ng guro at mababang sahod, na nakakaapekto sa kalidad ng edukasyon.
Alam natin na mahalaga ang kanilang propesyon bilang guro dahil sila ang isa sa mga dahilan kung bakit tayo magiging ganap na propesyonal balang araw–tulad ng mga doktor, inhinyero, pulis, at marami pang iba. Hindi sila magiging ganap na mga propesyonal kung wala ang ating mga guro. Kaya’t nangangahulugan lamang ito na kailangan nila ng tamang suporta at pangangalaga.
Kahit na may batas na naglalayong magbigay ng patas at makatarungang sahod para sa mga empleyado ng gobyerno, kabilang na ang mga guro sa publiko at pribadong paaralan, hindi pa rin nasosolusyunan ang isyu ng mababang pasahod. Ang nasabing batas ay ang Republic Act No. 11466 o ang 'Salary Standardization Law of 2019.' Sa kabila ng batas na ito, nananatili pa ring hindi sapat ang sahod at benepisyo ng mga guro, na nagiging dahilan ng kakulangan ng insentibo para sa kanila.
Matagal nang isyu ang mababang pasahod at kakulangan sa suporta para sa ating mga guro, ngunit tila walang konkretong solusyon. Tila ba’y napakahirap talagang lutasin ang ganitong uri ng problema. Ayon kay Dr. David Michael San Juan isang PEdCom lead convenor, “Sa kabila ng kanilang dedikasyon, nagiging malaking hamon sa mga guro ang pagbibigay ng kalidad na edukasyon sa mga mag-aaral dahil sa kakulangan ng tamang suporta para sa kanila.” Hindi lamang ang mga guro ang naapektuhan ng isyung ito, kundi pati na rin ang mga estudyante.
Ang mababang pasahod ay isa sa mga pangunahing hinaing ng ating mga guro, at ito ay may negatibong epekto sa kalidad ng edukasyon, motibasyon ng mga guro, at higit sa lahat, sa kabuuang sistema ng edukasyon sa Pilipinas. Kaya’t hindi lamang ito isang panawagan para sa mas mataas na sahod, kundi isang pagtulak na magbigay ng halaga sa mga guro—upang sa susunod na mga taon, ang kanilang dedikasyon at sakripisyo ay tunay na maipagmalaki.
Tamang suporta lamang ang hinihingi ng ating mga guro, at kapalit nito ay mga aral at kaalaman na magiging bahagi ng ating buhay sa mahabang panahon. Kaya't ating ipaglaban at suportahan ang bawat karapatan na nararapat matamasa ng ating mga guro. Huwag nating hayaan na ang ganitong klaseng isyu ay manatiling walang solusyon. Dahil sa paglipas ng panahon, mananatiling ang mga guro pa rin ang pinagmumulan ng lahat.
MGA SANGGUNIAN:
[1] Radyo Publiko. (2023, November 11). Higit 89,000 na mga guro, kulang pa sa buong bansa.
https://radyopilipinas.ph/2023/11/higit-89000-na-mga-guro-kulang-pa-sa-buong-bansa/#:~:text=Nasa%2089%2C506%20na%20mga%20guro,Department%20of%20Education%20(DepEd).
[2] Department of Budget and Management. (2021, January 6). National budget circular No. 584. Department of Budget and Management.
https://law.upd.edu.ph/wp-content/uploads/2021/05/DBM-National-Budget-Circular-No-584.pdf
[3] Garcia D. (2024, January 28) PEDcom. https://www. philstar.com/pang-masa/police-metro/2024/01/28/2329060/30k-dagdag-na-guro-kulang-pa-rin-pedcom/amp/
No comments:
Post a Comment