Disenyo ni: Danah Faye Veloso
Inilathala ni: Sarah Belamide
Petsang Inilathala: Marso 18, 2025
Oras na Inilathala: 8:05 AM
KATEGORYA: Prosa
Tema: Pagbabago sa sarili para sa isang tao lang
“'Wag mong paikutin ang buhay mo sa isang tao lang.”
Ang daling sabihin, ang hirap gawin.
Hindi ka talaga madadala sa mga mali mo sa buhay hangga't hindi mo ito gagawin muli para makasiguro.
Paalala mula sa magulang at mga kaibigan na hindi mo sinunod at pinag-isipan, dahil alam mo sa sarili mong tama ang mga ginagawa, ngunit ikaw rin ang nagdusa sa huli nang nauwi lang ang lahat sa wala.
Ang mga araw-araw na pag-uusap, mula umaga hanggang gabi–o hanggang makarinig na ng tawag ng ibon sa labas ng bintana, at hanggang sa liwanag ng araw ay kumulay na sa aking kurtina. Ang mga regalo na galing sayo na hanggang ngayon nakatabi sa aking aparador, hindi magawang tignan at hawakan dahil sa mga alaalang bumabalik. Ang mga parehas na interes at halos magkaparehas na personalidad at pagkatao–
Hindi ko na alam gagawin sa sarili ko.
Masyado kong pinaikot ang buhay ko sa’yo, na nakalimutan ko na ang sarili ko.
Sino ba ako bago ka dumating? Hindi ko na rin maalala. Hindi ko alam kung makikita ko pa ba siya. Pero sana wag na.
Kahit ayokong aminin, binago mo ako sa paraan na ikabubuti ko. Kahit ang ilan pa man dito ay hindi, kasama pa rin ito sa pag-usad ko sa mga panahon na ikaw ang aking mundo.
“Nagbago ka,” imik nila noon, na meron pang ngisi sa mga mukha, at tonong pabiro na para bang mga bata.
Kung alam lang nila na ikaw ang dahilan sa pagbabago na ‘yon.
“Nagbago ka,” imik nila ngayon, dating ngisi na napalitan ng simangot, at tonong nababahala at gustong tumulong.
Kung alam lang nila na ikaw pa rin ang dahil sa pagbabago na ito.
Pero tama nga sila.
Wag mong paikutin ang buhay mo sa isang tao lang.
Para bang pinapahiran ng asin ang sugat na hanggang ngayon ay sariwa pa kapag inaalala kita.
Pero kung ako ay tatanungin ng masinsinan at hihingiin ang tunay kong nadarama, pipiliin ko pa rin na ulitin ang mga panahon na mundo kita.
IMAGE SOURCES:
coupdefoudree. (2023, October 31). tumblr. https://www.tumblr.com/coupdefoudrre/732729871381495808
hughes,. L. (n.d). pinterest https://ph.pinterest.com/pin/695735842475696295/
estherscanon (n.d). instagram. https://ph.pinterest.com/pin/240872280065872051/
moon park (n.d). pinterest. https://ph.pinterest.com/pin/851954454482674079/
No comments:
Post a Comment