Disenyo ni: Cristian Tulisana
Inilathala ni: Kristine Joyce Soriano
Petsang Inilathala: Marso 27, 2025
Oras na Inilathala: 6:35 PM
Kategorya: Prosa
Tema: Ang dasal ng isang pusong
naghahangad ng kalayaang umibig sa parehong kasarian.
Hindi ako lumuluhod at bumubulong ng mga panalangin sa gabi. Wala akong sinusubukang abutin sa langit. Walang kamay na pinagtutupi sa pag-asang may makikinig. Wala akong Diyos na sinasamba at wala akong mga dasal na paulit-ulit binibigkas.
Pero ngayong gabi, habang ang mundo ay tahimik at ang hangin ay malamig, narito akoβnakatingala sa kawalan, iniisip kung may nilalang bang nakaupo sa mga ulap, naghihintay na marinig ang isang tulad kong hindi marunong maniwala.
At kung mayroon man, sana'y marinig niya ako. Sana'y dinggin niya ang panalanging matagal ko nang ikinukubli sa aking pusoβang makasama siya. Mahawakan ang kaniyang kamay nang walang pangamba. Mayapos nang walang takot na baka may makakita.
Dahil paano nga ba ipapaliwanag ang pag-ibig na kailangang itago? Hindi ba nila alam kung gaano kasakit ang umibig nang may pangamba? Ang mag-alinlangan sa bawat tingin? Ang magduda sa bawat sandali? At ang patuloy na itanong sa sariliβmali nga ba ang umibig?
Sabi nila, bawal kitang mahalin dahil ang pag-ibig natin ay isang lihim na kailangang itago. Isang kasalanang hindi natin piniling gawin. Hindi dapat tayo magkahawak-kamay o lumapit sa isa't isa. Hindi dapat tayo maging tayo.
Ngunit paano kung sa tuwing kasama kita, ang mali ay nagiging tama? Kung mali tayong dalawa, bakit puso ko mismo ang humihiling na manatili ka? Kung may Diyos ngang nakikinig, bakit hindi niya tayo pinaghiwa-hiwalay tulad ng ginawa niya sa mga tao sa Tore ng Babel? Bakit sa halip, tila isinulat niya ang ating mga pangalan sa iisang pahina na kahit sino'y hindi maaaring bumago?
Sana, kung totoo nga na may makapangyarihan sa itaas, damhin niya ang pintig ng aking puso at pagbigyan ang lihim nitong hinahangad. Isang beses lang. Isang beses lang na mahalin siya nang walang takot. Isang beses lang na mayakap siya nang hindi kinakailangang magtago. Sana'y dumating ang araw na hindi ko na kailangang piliin kung sino ang dapat kong mahalin.
IMAGE SOURCE:
[1] Pinterest. (n.d)
https://pin.it/3yU43szo8
[2] Pinterest. (n.d)
https://pin.it/1wMqWmVlN
[3] Pinterest. (n.d)
https://pin.it/4sZiBiyfO
[4] Pinterest. (n.d)
https://pin.it/4pQoEGxos
No comments:
Post a Comment