Friday, March 28, 2025

π—£π—”π—‘π—œπ—§π—œπ—žπ—”π—‘: “Sigurado Ako” ni Frans Danielle Castillo

 

Disenyo ni: John Maclen Dolor

Inilathala ni: Jean Ashley Lugod 

Petsang Inilathala: Marso 28, 2025 

Oras na Inilathala: 6:47 PM 


Kategorya: Prosa
Tema: Hindi inaasahang pagbabago ng plano sa buhay gawa ng pagmamahal.

Naalala ko noon, sa tuwing tatanungin ako kung balak ko ba magkaroon ng sarili kong pamilya balang araw, ang tanging sagot ko ay ‘hindi.’ Ayoko magkaroon ng sarili kong pamilya, ni hindi ko makita ang sarili ko na ako’y isang magiging ina. Noon pa man ay sigurado na akong gusto kong mamuhay nang mag-isa. Planado ko na iyon. Titira ako sa isang munting tahanan at malaya kong magagawa ang mga gusto ko.

Sinasabi pa nila minsan ay bata palang naman ako at may posibilidad na magbago pa ang aking isip sa ideya na iyon, ngunit isinasalawang bahala ko na lamang ‘yon dahil ano ba ang alam nila?

Sigurado ako. At papatunayan kong mali sila.

Ngunit, nung araw na maramdaman ko ang iyong halik at ang magaan mong paghawak sa aking kamay, parang ang dati kong planadong buhay ay tila nabubura at napapalitan na ng iba. Na para bang hindi masamang isipin na bumuo ng sarili kong munting pamilya, tumira sa isang tahanan kung saan napupuno ito ng tawanan at ingay ng mga bata, habang ako ay masayang naghahanda ng makakain sa kusina. Parang hindi masamang isipin ‘yon lalo na kung ikaw naman ang makakasama ko.

Kaya ko naman talagang mabuhay nang mag-isa. Hindi ko na kailangan ng presensya ng kung sino man. Pero bakit bigla nalang dumating yung araw na pakiramdam ko’y ikamamatay ko kapag hindi ko nahahawakan ang iyong kamay? Na parang nanghihina ako kapag dumaan ang segundong hindi ko naririnig ang malambing mong boses? Ano ang ginawa mo sa akin para mahalin ka nang ganito kalalim?

Ngayon, kung ako man ay tatanungin ulit, ang magiging sagot ko ay ‘oo.’ Oo, pangarap ko na bumuo ng sarili kong pamilya kung saan ang pagmamahal ay umaalingawngaw sa ingay, kung saan ang bawat paggising sa umaga ay pinaka hinihintay dahil may panibagong araw na naman para makasama ang mga mahal sa buhay, kung saan ako’y iyong hahalikan sa noo nang walang pasabi habang naghahanda ng hapunan at bubulong sa akin kung gaano ka nagpapasalamat dahil sa pamilyang mayroon tayo.

Siguro nga ay tama ang sinasabi nila.

No comments:

Post a Comment