Inilathala ni: Athena Palatino
Oras na Inilathala: 12:05 PM
Kategorya: Prosa
Paksa: Pagtanggap sa Sarili.
Dati, inis na inis ako sa kulot kong buhok.
Palagi ko siyang pinupuyod. Tinatali. Tinatago. Hindi dahil tamad akong magsuklay o ano—dahil pakiramdam ko, kahit anong ayos ko napakagulo pa rin nito.
Hindi ko kasi siya makontrol. Hindi siya sumusunod kahit anong ayos ang gawin ko. Kaya sa huli? Tinatali ko, minsan pa nga ay pinaplantsa ko.
Akala ko kasi rati na kapag kulot, pangit. Kapag magulo, hindi na karapat-dapat pang pagtuunan ng pansin.
Ngunit isang araw, biglang nagbago ang pananaw ko.
Nasa tapat tayo ng dalampasigan no’n, pinagmamasdan kung paano umalon ang dagat. Humarap ka sa akin no’n, ngumiti, sabay hawi ng kulot kong buhok sa kanang tainga ko.
Naalala ko pa kung paano mamula ang pisngi ko noon, nilagyan mo pa kasi ng kulay rosas na bulaklak ang gilid ng tainga ko noong araw ba yon.
Ang sabi mo pa sa akin no’n, “napaka ganda ng hugis ng buhok mo,” hindi ko alam kung anong dapat magiging reaksyon ko—kasi kahit ako, ayaw sa buhok ko.
Hindi ko na matandaan kung kailan nagsimula, pero isang araw, natutunan kong hayaan siya. Hindi ko na siya pinilit mang itali o i-diretso. Hindi ko na siya pinilit maging iba. Kasi tuwing hinahawi mo ang buhok ko sa tenga, palagi kong naalala ang matamis mong kataga.
At ngayon, kahit wala ka na—kahit alaala ka na lang sa likod ng mga alon at hanging may halik ng alaala—hinahayaan ko pa rin ang kulot kong buhok. Hinahayaan ko siyang sumayaw sa hangin, kahit magulo, kahit magaspang. Sapagkat doon ko natutunang may ganda sa kaguluhan. May pagmamahal sa pagiging totoo.
At higit sa lahat, dahil minsan, may isang taong minahal ako sa pinaka magulo kong anyo.
No comments:
Post a Comment