Inilathala ni: Athena Palatino
Petsang Inilathala: Agosto 15, 2025
Oras na Inilathala: 8:05 AM
Kategorya: Prosa
Paksa: Hindi tiyak na koneksiyon (Sitwasyonship)
“Ano ba talaga tayo?”
Binitiwan ko iyon na parang huni lang ng hangin,
pero sa loob-loob ko, 'yon ang sigaw na matagal nang kumakabog sa dibdib ko. Apat na salitang paulit-ulit kong isinulat sa utak ko, binura, at isinulat muli hanggang tuluyang bumigat sa lalamunan ko.
Hawak ko ang kamay mo. Nararamdaman ko ang tibok ng puso mo, mabilis. o baka akin 'yon? Dumampi ang hangin sa balat ko, pero hindi lamig ang nagpasindak sa kalamnan, kundi takot. Takot sa salitang bibitawan mo. Takot sa posibilidad na wala ka talagang sasabihin.
Tumingin ka sa'kin at bahagyang ngumiti, wala—walang salita. At sa katahimikan mong iyon, bumagsak sa akin ang sagot na hindi mo binigkas. Tila sa katahimikang 'yon, sinabi mo lahat ng nais kong marinig.
Masakit, oo—pero hindi dahil tinanggihan mo ako, hindi dahil iniwan mo ako. Mas masakit ang pagkakulong sa pagitan ng “oo” at “hindi,” sa pagitan ng “malapit na” at “hindi kailanman.” Hindi naman tayo estranghero, alam ko halos lahat ng tungkol sa'yo pero hindi rin kita kayang pangalanan. Para tayong usok, nakikita at naamoy ngunit walang anyo.
Alam mo kung ano ang paborito kong kainin kapag gabi at kung kailan mabigat ang loob ko. Kabisado ko ang pagbagal ng tinig mo kapag tinutulugan mo na ang mga pangungusap ko. Alam ko kung paano ka umiwas ng tingin kapag nahihiya. Ngunit kapag tinanong ako ng iba kung ano tayo, nangingiti lang ako, at sasabihing “Hindi ko rin alam.”
Sinasabi ko sa sarili ko na sapat na ang halos.
Sapat na kung anong meron tayo. Pero gabi-gabi, pinipiga ng pagod ang puso ko—pagod magpanggap na wala akong gusto pang mas malinaw. Pagod manghula kung ako ba'y kasinghalaga mo
tulad ng halaga mo sa akin. Pagod humabol sa liwanag,
habang ikaw ay kuntento sa anino.
Ipinaparamdam mo na mahalaga ako, pero hindi sapat para maging sigurado. Marahil dapat alam ko na noon na hindi mo ako nakikita sa hinaharap mo. Pero nanatili ako, dahil may kung anong totoo sa pagitan natin, kahit kailanman ay hindi natin ito binigyang pangalan.
Hindi ko tinanong kung ano tayo para pilitin kang pumili,
kundi para maramdaman ko kung saan ako nakalugar.
Ayoko nang mabuhay sa “siguro.” Gusto kong piliin,
hindi lang itabi. Gusto kong tumigil sa paglalakad sa gilid ng iyong katahimikan.
Pinisil mo ang kamay ko nang marahan, parang may lihim na nais ipahatid. Ngunit hindi iyon naging sapat
para sa'kin. Ayokong manatili sa pagitan ng halos at wala. Para akong nakatira sa bahay na may pader na salamin nakikita kita, pero hindi ko kailanman malapitan.
Masakit maging kung ano man, ngunit mas masakit maging wala, wala lang sa'yo at walang tayo.
At ngayong wala nang salitang matitira sa atin, heto pa rin ako—nakatingin sa’yo. At sa loob-loob ko’y kumakatok pa rin ang tanong na, ano nga ba tayo?

No comments:
Post a Comment