Petsang Inilathala: Agosto 1, 2025
Oras na Inilathala: 7:56 AM
Kategorya: Prosa
Paksa: Hindi napapansing sakripisyo
Gabi na naman. Tahimik ang paligid, pero sa loob ko, parang may sigawan ng mga alaala. Sa gilid ng lumang altar, may naiwan pang isang upos ng kandila, paubos, palamlam, patapos. Tila ba ‘yon ang huling saksi sa lahat ng dasal na hindi nasagot, sa mga luhang ayaw nang bumagsak pero wala nang pinanghahawakang lakas para pigilan pa.
Minsan iniisip ko, baka ako ‘yung kandila. Sa simula, maliwanag, mainit, buhay na buhay, puno ng silbi. Lahat pinapaliwanag. Lahat pinapainit. Lahat binibigyan ng pag-asa. Pero habang tumatagal, habang pinipilit magbigay, napapansin mo na lang—unti-unti ka nang nauupos. Hindi mo na rin namamalayan na nauubos ka na pala sa katahimikan.
Walang pumapalakpak sa kandila kapag wala na itong sindi. Wala namang nagtatanong kung anong mga dasal ang tiniis niyang pakinggan habang natutunaw siya sa lamig ng paligid. Wala ring nag-aalala kung ilang beses siyang muntikang mamatay bago pa man matapos ang gabi.
Ako ‘yung kandilang ‘yon. At sa totoo lang, hindi ko alam kung may natira pa sa akin.
Nang hawakan ko ang upos, ito’y malamig na; walang init, walang buhay, pero may bigat. Parang pinagsama-samang pagod, sakit, at lahat ng tinik na nilunok habang nakangiti. Naisip ko; ganito rin pala ang pakiramdam ng taong nasanay na ibigay ang lahat, kahit wala namang bumabalik.
Minsan, gusto ko ring sumindi muli. Maging liwanag ulit. Pero paano, kung ako mismo, wala na ring apoy sa loob ko?
Ang sakit pala ng tahimik na pag-ubos. Hindi sigaw ang pumapatay sa atin, kundi ‘yung mga gabi kung saan tayo napipilitang maging matatag kahit wasak na wasak na.
At kung balang araw, may makapansin man sa upos na ‘to, sana maalala nilang minsan, nagliwanag din ito. Naging liwanag sa madilim. Naging init sa ginaw. Naging pag-asa kahit wala namang nagsabing kaya niya.
Pero ngayon…
Pahinga muna.
Upos na siya.
No comments:
Post a Comment