Inilathala ni: Jeralaine G. Larios
Petsang Inilathala: August 6, 2025
Oras na Inilathala: 4:52 PM
Kategorya: Prosa
Paksa: Ang pagpasan ng responsibilidad at emosyon sa patuloy na paglipas ng panahon.
Noong ako ay bata pa, araw-araw kong dala ang bigat ng mundo sa aking balikat, o ‘yun ang akala ko. Mabigat ang bag, puno ng makakapal na libro, kuwaderno, lapis, at kung anu-anong pangakong kinakailangang pag-aralan. Sa bawat hakbang patungo sa paaralan, dama ko ang sakit sa balikat. Sa tuwing aakyat sa hagdan, tila bawat hakbang ko ay hinihila ng timbang ng mga aklat na tila nais akong paluhurin.
Akala ko noon, ‘yon na ang pinakamabigat. Pero ngayon, wala na sa balikat ang bigat.Wala na ang bag na puno ng libro.
Wala na ang pagod na dulot lamang ng pagsusulat sa pisara o pagtayo sa harap ng klase. Dahil sa patuloy na paglipas ng panahon, natutuhan kong mayroon pang mas mabigat kaysa sa pisikal na bigat, ang mga pasaning hindi na kayang sukatin pa ng kahit na anong timbangan.
Hindi na libro ang bitbit ko, kundi mga katanungang walang kasagutan. Mga problema sa tahanan, sa sarili, at sa mundo. Mga hamon ng pagtanda, kung saan nga ba ako patungo, sino nga ba ako, at ano ang halaga ko. Mga alaala ng kabiguan na pilit kong nililimot. Mga damdaming pinipilit na itago. Mga pangarap na natuto na lamang na manahimik. Hindi na balikat ko ang mabigat, kundi ang dibdib na puno na ng kaba, takot, at mga salita na hindi na kayang ilabas sa labi.
Sa aking bawat paghinga, hindi balikat ko ang masakit, kundi dibdib ko. Isang uri ng bigat na hindi malulunasan ng kahit na anong masahe. Isang bigat na hindi mo basta mailalapag sa gilid kapag inabot ng sakit. Isa itong pasanin na itinatago sa likod ng ngiti, sa halakhak, sa simpleng “Ayos lang ako!”
At sa tahimik na gabi, habang nakatitig sa kisame, ramdam ko ang bigat. Nasa dibdib. Sa mga hindi masabi ng bibig. Sa mga pinipilit na unawain. Sa reyalidad na unti-unting binubura ang gaan ng kabataan.
Ngunit sa kabila ng lahat, nananatili akong naglalakad. Hindi man diretso, hindi man gaano kabilis tulad ng dati pero buhat ko ang bigat na hindi na libro, kundi buhay.
At siguro, doon talaga nagsisimula ang tunay na pagtanda. Hindi sa pagkawala ng bigat ng libro sa balikat, kundi sa pagtanggap na ang pinakamabigat na bagay ay hindi palaging nakikita ng dalawang mata.
No comments:
Post a Comment