Disenyo ni: Irish Pastor RepublΓca
Inilathala ni: Kyla Shane Recullo
Petsang Inilathala: Setyembre 3, 2025
Oras na Inilathala: 6:10 PM
Isa na namang malakas na ulan, isa na namang baha. Para bang naging bahagi na ng ating buhay ang ganitong siklo—ulan, baha, traffic, pagkasira ng kabuhayan, at paulit-ulit na pag-asa na may magbabago. Hindi lang ito isyu ng klima at imprastruktura, kundi ng katiwalian at kalbaryo ng kawalan ng pananagutan.
Taun-taon, ang ilang komunidad ay paulit-ulit na nilulubog sa baha dahil sa kawalan ng maayos na drainage system at disenteng relocation program.
Ayon sa GMA news online at datos mula sa ilang advocacy groups, ang ilang drainage infrastructure sa National Capital Region (NCR) ay hindi na akma sa bigat ng ulan dala ng climate change at ang ilang relocation site ay kadalasang limitado sa pangunahing pangagailangan. Dito pumapasok ang mas malaking isyu: ang sistemikong kapabayaan. Habang pinupuri ang katatagan ng tao, nakakalimutang obligasyon ng pamahalaan na tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng bawat mamamayan.
Hindi maikakaila na malaking halaga na ang ginugugol ng pamahalaan para sa flood control. Ayon sa ulat ng Oblique Asia, umabot na sa ₱556 bilyon ang inilaan ng gobyerno para sa flood control simula 2022—isa sa pinakamalaking budget sa buong mundo. Ngunit sa kabila nito, nananatiling “kritikal na hindi handa” ang bansa laban sa mga matitinding pagbaha. Bukod sa mabagal na implementasyon, lumutang din ang isyu ng “ghost projects.” Sa mga ulat ng Senado at media, may mga flood control projects sa Bulacan na idineklarang tapos ngunit wala naman talagang naipatayo. Ang ilan pa ay may parehong halaga ng kontrata sa magkaibang lugar—parang copy-paste na lang ang ginawang dokumento. Kung sa ordinaryong tao, ang tawag dito ay simpleng panloloko. Sa gobyerno, tinatawag itong “proyekto.”
Kamakailan, pinuna rin ng Quezon City LGU ang ilang proyekto ng DPWH na isinagawa nang walang sapat na koordinasyon. Isa sa mga halimbawa ang ₱95.99-milyong pumping station sa Matalahib Creek, na imbes makatulong ay lalo pang nagpapalala sa daloy ng tubig. Sa puntong ito, malinaw: hindi kakulangan ng resiliency ng Pilipino ang problema, kundi kakulangan ng direksyon ng gobyerno. Ang masakit na katotohanan: may pondo, ngunit kulang ang proteksyon. Hindi mo na kailangang maging eksperto para maunawaan ang kalokohan. Ang mismong proyektong pinondohan para pigilan ang pagbaha ay nalulunod sa sarili nitong layunin. Kaya’t kapag ang ipinagmamalaking proyekto ay nilalamon ng tubig ulan, anong klaseng panloloko ito sa mamamayan?
Resilience ay dapat huling depensa, hindi unang sandigan. Ang tunay na solusyon ay hindi lang nakasalalay sa tapang ng tao, kundi sa maayos na sistema: modernisadong drainage, integrated flood control, disiplina sa urban planning, at higit sa lahat, isang gobyernong marunong gumamit ng pondo nang tama. Kung hindi, ang “flood control” ay mananatiling “fund control”—malaking budget na inuukit sa papel, ngunit hindi nakikita sa lupa. At sa bandang huli, ang nagdurusa ay hindi ang mga opisyal na kumita, kundi ang mamamayang nalunod—hindi lang sa baha, kundi sa paulit-ulit na pangakong walang katuparan. Kaya oras na para itanong ng bawat Pilipino: hanggang kailan tayo magpapaloko? Kung kaya nating bumangon sa bawat baha, kaya rin nating maningil at manawagan ng hustisya. Sapagkat ang tunay na resiliency ay hindi lang pagtitiis—kundi pagtindig laban sa katiwalian at kapabayaan.
MGA SANGGUNIAN:
[1] GMA News Online. (2024, July 17). Metro Manila flood projects cannot handle major flooding — expert. GMA Integrated News. https://www.gmanetwork.com/news/topstories/metro/914839/metro-manila-flood-projects-cannot-handle-major-flooding-expert/story
[2] GMA News Online. (2024, July 24). Senators lament lack of masterplan against flooding. GMA Integrated News. https://www.gmanetwork.com/news/topstories/nation/915148/senators-lament-lack-of-masterplan-against-flooding/story
[3] Oblique Asia. (2023, November 16). PH spent ₱556 billion on flood control, still “critically unprepared” against disasters. Oblique Asia. https://www.oblique.asia/articles/philippines-556b-flood-control-unprepared
[4] Philippine Star. (2025, August 18). Quezon City flags DPWH flood control projects without LGU approval. The Philippine Star. https://www.philstar.com/metro/2025/08/18/2466212/quezon-city-flags-dpwh-flood-control-projects-without-lgu-approval
No comments:
Post a Comment