Disenyo ni: Paul Quijano
Inilathala ni: Mherry Vhine Macalalag
Petsang Inilathala: September 30, 2025
Oras na Inilathala: 10:32 AM
Isang lamesa, isang paksa, isang silid. Bukod sa huni ng mga ibon, tanging mga boses lamang ang umaalingawngaw sa apat na sulok ng mga puti at asul na dingding.
“Hindi po namin maiwasan dahil ‘yun ang tradisyon namin bilang IP (Indigenous People),” sagot ng tribal leader matapos tanungin ni Kara David kung bakit kailangang maipag-ayos ang pamilya ng nanggahasa at ng biktima nito. Walang reaksiyong nakikinig ang ibang miyembro ng nasabing council, habang bakas sa mukha ng tagapanayam ang pagkalungkot at pagkadismaya dahil sa tugon.
Masaklap man sa damdamin, isa lamang iyan sa maraming eksenang humahaplos sa katotohanan at pumupukaw sa kamalayan sa dokumentaryong pinamagatang Kapalit ng Katahimikan na pinangunahan ni Kara David.
Ang Kapalit ng Katahimikan ay inilathala noong 2024 at ngayong taon lamang ay hinirang na finalist sa Cannes Corporate Media & TV Awards. Umani ito ng mahigit pitong milyong views sa YouTube, kabilang ang samu’t saring opinyon ukol sa paksa nito—panggagahasa. Naging sentro ng pansin ng dokumentaryo ang pagtutunggali sa pagitan ng kultura at katarungan, kung saan ang paniniwala at ang batas ay hindi nagtatagpo ng landas.
Malinaw na naipakita rito ang kawalang-lakas ng mga mahihirap pagdating sa paglaban sa mga katiwaliang kanilang nararanasan, lalo na’t mas pipiliin nilang tumanggap ng bayad pinansyal dahil sa kanilang kalagayan. Gayunpaman, hindi maaalis ang tinik na naiwan ng nangyaring pagkakasala. Dahil gaano man kalaki ang presyo ng pananagutan, walang katumbas na kabayaran ang matinding emosyong napako sa dibdib, isang sugat na tila’y lalong humahapdi nang magkaroon ng permanenteng tali ang hindi kagustuhang pangyayari.
AREGLO’T SINGSING
Ayon sa datos ng dokumentaryo, batay sa Philippine National Police noong 2023, kada isang oras, isang babae ang nagiging biktima ng panggagahasa. Sa kasamaang palad, kasama sa bilang na ito si Dolores (hindi niya tunay na pangalan), isang residente sa South Upi, Maguindanao.
Ang salitang “pinagsamantalahan” ay kulang pa upang ilarawan ang karahasan na naranasan ni Dolores. Siya ay biktima ng panggagahasa hindi lamang ng isa kundi’y tatlong beses. At sa ikatlong ulit, nagkaroon ng walang hanggang alaala ang pagyurak sa kaniyang dangal, sapagkat may nabuong supling sa kaniyang sinapupunan.
Sa halip na hustisya, anim na libong piso at isang kabayo ang natanggap ng pamilya ni Dolores bilang areglo sa unang beses na nangyari ang panggagahasa. Sa ikatlong beses naman ng kalbaryo, kasal ang mungkahi ng tribal council upang maisaayos ang nangyaring katiwalian.
“Pinaasawa na lang at buntis ang anak ko. Pobre man kami at walang kaalam-alam,” pag-amin ng ama ni Dolores.
Sa bingit ng kakulangan at bilang pagsunod sa mga tradisyon ng kanilang samahan, walang nagawa ang pamilya ni Dolores kundi sundin ang payo ng kanilang konseho.
Mabigat na damdamin at pait ang matatagpuan sa ilalim ng panlabas na katahimikan ni Dolores at ng kaniyang pamilya. Bagamat patuloy ang daloy ng kanilang pang-araw-araw na pamumuhay, mananatili sa isip ang nangyaring wala sa kanilang kagustuhan. Walang sinuman ang dapat makaranas nito, ngunit sinapit ni Dolores ang masaklap na kapalaran. At tulad ng ibang biktima, ang mas nakababahala pa ay isa sa may gawa nito ay may pamilyar na mukha.
BIKTIMA NG SARILING KAPAMILYA
Sabi nila, mas matimbang ang dugo kaysa sa tubig. Ngunit, masasabi pa rin ba ito kung para sa ilan, pati ang sariling angkan ang siyang nagdudulot ng pang-aabuso at pasakit?
Sa kaso ni Dolores, nabanggit ng nagsilbing opisyales sa kanilang barangay na sa unang pagkakataong nangyari ang insidente, tiyuhin ng biktima ang may salarin. Hindi kayang ilarawan ng mga salita ang tindi ng panghahamak na kaniyang dinanas. Dahil dito, siya ay isa sa mga nagsisilbing tampok na tauhan sa dokumentaryo—isang patunay na may ilan pa ring hindi ligtas kahit sa sariling bubong na dapat sana’y kanlungan.
Gaya ni Dolores, may mga biktima ng panggagahasa na ang nanghalay ay kanilang kakilala. Kasama na rito sina Marisol at Jasmin, hindi rin nila tunay na pangalan, ang magkapatid na parehong napahamak sa ilalim ng malupit na kamay ng kanilang tiyuhin.
Limang taong gulang at sampung taong gulang ang kanilang edad. Musmos pa at walang kalaban-laban, maagang naranasan nila Marisol at Jasmin ang pangyayaring kinatatakutan at kinasusuklaman ng marami. Bago mabunyag ang karahasang ginagawa ng kanilang tiyuhin, paulit-ulit na nangyari ang krimen at nahirapan ang magkapatid na magsabi dahil sa mga banta na ibinato ng kanilang tiyuhin.
Nang malaman ng ina at tiyahin ng mga bata ang nangyari, agad naman nilang ipinagtanggol at pinrotektahan ang magkapatid. Inilapit nila ang insidente sa tribal council, at tulad ng karanasan ni Dolores, nag-alok ng areglo ang nagkasala. Sa kabila nito, hindi sila pumayag at sa halip ay nagsampa sila ng kaso sa naganap na panggagahasa.
Sa pagsubok nila sa tradisyon at matapang na pagsulong ng kanilang karapatan, isang linya ang kanilang tinawid na ang ilan ay nahihirapan o nangangambang tangkain. Sa paglalapit ng tradisyon at batas, alin nga ba ang mananaig?
HANGGANAN NG PANINIWALA
“Mahirap lang tayo pero bakit tayo binibigyan ng ganitong problema?”
Iyan ang tanong na nanatili sa isipan ng ina nina Marisol at Jasmin. Sa tuwing inaalala nito ang sinapit ng kaniyang mga anak, hindi mapigilan ang pagpatak ng luha at ang sikip ng kaniyang damdamin.
Gayunpaman, kasama ng tiyahin at pinsan ng dalawang magkapatid, nanatiling matatag ang kaniyang loob na isulong ang pagsampa ng kaso laban sa panggagahasang hinarap ng kaniyang mga anak. Sa kabutihang-palad, naging matagumpay ang kanilang paglaban at naipakulong ang kinilalang tiyuhin nina Marisol at Jasmin.
Datapwat sila ay tumaliwas sa kanilang tradisyon, naitaguyod naman ang hustisya para sa mga biktima. Sa kabila ng mga paniniwala ng kanilang tribo, alam ng ina ng magkapatid na mas mahalaga ang paniningil ng pananagutan na naaayon sa batas kaysa sa pagsunod sa nakasanayan. Dahil dito, masasabing posible nga ang pagguhit sa limitasyon ng tradisyon pagdating sa nararapat na katarungan. Nangangailangan lamang ito ng tapang, determinasyon, at paninindigan.
Kaugnay nito, nilinaw naman ng tribal council na wala sa kanila ang pinal na hatol ukol sa mga krimen o alitan tulad ng mga nabanggit. Lubos na nakasalalay pa rin sa desisyon ng biktima o ng pamilya nito ang gagawing aksyon matapos ang pangyayari.
Ipinakita ng karanasan ng pamilya nina Marisol at Jasmin na ang pagkamit ng hustisya ay hindi dapat nakatali sa tradisyon. Bagkus, ito ay karapatan ng bawat isa, anuman ang kanilang paniniwala.
Ang ginawa nilang pag-iba ng direksiyon ay hindi man tuluyang suma-sang-ayon sa kanilang tradisyon, natamo naman nila kung ano ang talagang nararapat ayon sa batas.
Ang istorya nina Dolores, Marisol, at Jasmin ay nagsisilbing palatandaan na talamak pa rin ang pang-aabuso na natatanggap ng mga kababaihan sa ating bansa. Tulad nila, na bilang pa sa kamay ang gulang, walang pinipili ang anino ng kasamaan. Lalong pinatitingkad nito ang pangangailangang ipagpatuloy ang pagpapatupad ng mga programa at batas na ikabubuti ng kapakanan ng kababaihan. Nang sa gayon, hindi na maulit ang mga ganitong pangyayari, sapagkat ang dangal ng kababaihan ay hindi nasusukat sa salapi o tradisyon, kundi sa kanilang karapatang igalang at pakinggan.
SANGGUNIAN:
[1] I-Witness. (2024). Kapalit ng Katahimikan, dokumentaryo ni Kara David [Video]. YouTube.
No comments:
Post a Comment