Ipinaskil ni Sophia Garcia
Araw na ipinaskil: September 29, 2025
Oras na ipinaskil: 11:54 AM
Isiniwalat ng dating Marine at security aide na si Orly Regala Guteza sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Setyembre 25, sa Senado na personal niyang inihatid ang mga maletang naglalaman ng milyun-milyong piso bilang umano’y kickback mula sa maanomalyang flood control projects patungo kina Ako Bicol Rep. Zaldy Co at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay Guteza, tinatawag na “basura” ang mga maletang naglalaman ng tinatayang ₱48 milyon bawat isa at tatlong beses kada linggo niya itong naihahatid mula Disyembre 2024 hanggang Agosto 2025, kabilang pa ang 46 maletang dinala ni ACT-CIS Rep. Eric Yap sa bahay ni Co na kalaunan umano’y ipinasa sa tahanan ni Romualdez sa Taguig.
“Ang ibig sabihin ng ‘basura’ ay maleta na may lamang pera,” pahayag ni Guteza sa harap ng mga senador, kung saan ikinuwento rin niya na ang bawat maleta ay may Post-it note na nagsasaad ng eksaktong halaga ng pera.
Mariing itinanggi nina Co at Romualdez ang mga paratang kung saan iginiit ni Romualdez na walang nakatira sa kanyang bahay sa McKinley, Taguig dahil ito ay under renovation, habang tinawag ni Co na gawa-gawa at kasinungalingan lamang ang mga alegasyon laban sa kanya at iginiit na bahagi ito ng pamumulitika.
Kasabay nito, lumutang din sa imbestigasyon ang pangalan ng dating Department of Public Works and Highways (DPWH) undersecretary na si Roberto Bernardo at ilang district engineers na inakusahan ng pagkakasangkot sa maanomalyang flood control projects na nagkakahalaga umano ng bilyon-bilyong piso.
Bukod kay Guteza, nagsumite rin ng reklamo si Atty. Petchie Rose Espera matapos madiskubreng ginamit umano ang kanyang pangalan sa isang sinumpaang salaysay na hindi naman siya ang notaryo, dahilan upang kuwestyunin ang kredibilidad ng ilang dokumento kaugnay ng kaso.
Ang mga isiniwalat na testimonya ay bahagi ng mas malawak na imbestigasyon ng Senado ukol sa flood control projects na pinaniniwalaang ginagamit bilang “cash cow” para sa mga kickback at ghost projects, kung saan nadadawit din ang ilang mambabatas at opisyal ng gobyerno.
MGA SANGGUNIAN:
[1] ABS-CBN News. (2025, September 25). Lawyer says she did not notarize sworn statement of Zaldy Co's former consultant. ABS-CBN News. https://www.abs-cbn.com/news/nation/2025/9/25/lawyers-says-she-did-not-notarize-sworn-statement-of-zaldy-co-s-former-consultant-2353
[2] BaroΓ±a, F. J. C. (2025, September 26). ‘Garbage duty’ was dirty business for ex-Marine who delivered bags of cash to lawmakers. The Manila Times. https://www.manilatimes.net/2025/09/26/news/national/garbage-duty-was-dirty-business-for-ex-marine-who-delivered-bags-of-cash-to-lawmakers/2190164
[3] Ombay, G. (2025, September 25). Ex-security aide tells on Zaldy Co, Martin Romualdez. GMA Integrated News. https://www.gmanetwork.com/news/topstories/nation/960265/ex-security-aide-tells-on-zaldy-co-martin-romualdez/story/
No comments:
Post a Comment