Inilathala ni: Patrick Lance Guerra
Petsang Inilathala: October 3, 2025
Oras na Inilathala: 4:55 PM
Kategorya: Tula
Paksa: Pagkamulat sa sarili
Naaalala ko pa
ang panahong kaya ko pang titigan
ang sarili sa salamin
nang walang tutol,
walang salungat na tanaw.
May mga kamay noon
na pumipili ng gupit at kulay,
mga mata na humahabi
ng paraan kong tumawa, gumalaw—
ako, isang laruan ng hangarin
na hindi ko pa kilala.
Ngunit ngayon,
ang salamin, wari'y may sariling pagtingin.
Sa bawat sulyap,
sumasakit ang mga tanong:
Buhaghag ba ang buhok ko?
Manipis ba ang mga labi ko?
Unti-unti kong naririnig
ang sariling boses na humuhusga.
Ako ang bantay,
ako ang madla,
ako ang hukom
na walang pahinga.
Bawat pilas at ukit ng mukha,
larawan ng mga sugat
na ako lamang ang nakakapansin—
lihim sa mundo,
bukas sa akin,
sagradong takot na hindi ko mailapag.
At sa pagitan ng bawat paghinga,
nasasakal ako sa sariling bisig—
hindi ko malaman
kung ang kalaban ba
ay nasa paligid,
o siyang bulong sa aking isip.
No comments:
Post a Comment