Dibuho ni: Arashel Mei Cinco
Inilathala ni: Jeliana Atabay
Petsang Inilathala: Oktubre 6, 2025
Oras na inilathala: 10:15 AM
Hindi HIV ang tunay na kalaban—kundi ang kakulangan sa kaalaman at hindi epektibong tugon ng pamahalaan.
Patuloy ang pagtaas ng mga kaso ng HIV sa Pilipinas, isang nakakabahalang realidad lalo na’t malaking porsyento ng populasyon ang apektado. Ang HIV o Human Immunodeficiency Virus ay isang impeksyong sumisira sa sistemang immuno ng tao. Ito ay maaaring makuha sa pamamagitan ng pakikipagtalik nang walang proteksyon, pagbabahagi ng karayom, paggamit ng injection, at pagtanggap ng dugo mula sa taong may HIV.
Ngunit sino ang dapat managot, at kanino dapat ibaling ang sisi? Labis ang itinaas kung ikukumpara sa nakaraang taon, saan tayo nagkukulang pagdating sa prebensyon? Ayon sa Department of Health (DOH), umabot sa 57 bagong kaso kada araw ang naitala sa unang mga buwan ng taong 2025. Halos 30% ng mga kasong ito ay mula sa mga kabataang nasa edad 15–24, habang 47% ay mula naman sa edad 25–34. Malinaw na may kakulangan ang Pilipinas sa pagpigil at pagpapalaganap ng tamang impormasyon tungkol sa HIV.
May alokasyon ng pondo—ngunit tila hindi sapat upang pigilan ang pagkalat ng HIV sa bansa.
Isa na sa pangunahing dahilan ay ang kakulangan sa Komprehensibong Edukasyong Sekswal. Hindi sapat ang pagtuturo at pagpapalaganap ng impormasyon tungkol sa HIV, kaya’t marami ang hindi alam kung paano ito maiiwasan. Sa kasalukuyan, mas pinagtutuunan ng pamahalaan ang konserbatibong paninindigan ng bansa kaysa bigyang-prayoridad ang mga isyung tunay na nangangailangan ng atensyon.
Sa katunayan, ayon sa ulat, halos 6% lamang ng HIV budget noong 2023 ang inilaan para sa prebensyon, habang mas malaking bahagi ang napunta sa paggamot. Kulang na kulang ang suporta ng administrasyon sa Komprehensibong Edukasyong Sekswal, kaya hindi ito ganap na naipapamahagi, lalo na sa mga kabataang higit na nangangailangan nito.
Bukod pa rito, limitado rin ang access sa mga serbisyo ng reproductive health. Maraming kabataan ang walang sapat na kaalaman o access sa HIV testing kits, kaya't kadalasan ay ipinagpapaliban nila ang pagpapa-test hanggang sa lumala nalang ang kanilang mga sintomas.
Isa rin sa pinakamalaking hadlang ang diskriminasyon.Marami ang takot magpagamot o magpatest dahil sa kahihiyan at panghuhusga ng lipunan, lalo na sa hanay ng LGBTQIA+ community.
Dahil sa ating lipunan, ang usapin tungkol sa HIV ay may kaakibat na stigma. Kapag ikaw ay may HIV, madalas kang ituring na "marumi", "nakahahawa", at kadalasa’y tinataboy pa.Tulad na lamang ni Ginoong Renato Nocos na nasisante ng kanyang amo matapos malaman na siya ay HIV-positive. Sa kabutihang palad, umiiral ang Republic Act No. 11166 o ang Philippine HIV and AIDS Policy Act, isang batas na naglalayong protektahan ang karapatan ng mga taong may HIV at labanan ang diskriminasyon sa lahat ng anyo nito.
Samakatuwid, ang pagkontrol sa HIV ay hindi lamang tungkulin ng gobyerno—ito ay laban nating lahat. Sa bawat paaralan, tahanan, at komunidad, may papel tayong ginagampanan. Kung tayo’y magtutulungan sa pagpapalawak ng HIV awareness campaigns at pagpapalaganap ng tamang impormasyon sa telebisyon, radyo, social media, at mga paaralan, tiyak na mas maaagapan ang pagtaas ng mga kaso ng HIV sa bansa.
Hindi ito basta sakit, wala man itong lunas sa kasalukuyan, hindi ito dahilan upang ang mga may HIV ay husgahan. Bagama’t ito ay isang pangmatagalang impeksyon, may mga paraan upang ito ay maiwasan, mapabagal, at mapigilan ang pagkalat. Higit sa lahat, nararapat lamang na i-respeto at suportahan ang mga taong may HIV. Dapat silang mabigyan ng sapat na serbisyong medikal at tulong upang hindi na lumala ang kanilang kalagayan.
Upang tuluyang mabawasan ang kaso ng HIV sa Pilipinas, malaking papel ang ginagampanan ng pamahalaan, edukasyon, at disiplina ng bawat isa sa atin. Mas ligtas ang may alam, mas malakas ang may pakialam. Sa tamang edukasyon, may pag-asa. Sa kolektibong pagkilos, may tunay na pagbabago.
Mga Sanggunian:
[1] World Health Organization. (2025, June 11). UNAIDS, WHO support DOH’s call for urgent action as the Philippines faces the fastest-growing HIV surge in the Asia-Pacific region. https://www.who.int/philippines/news/detail/11-06-2025-unaids--who-support-doh-s-call-for-urgent-action-as-the-philippines-faces-the-fastest-growing-hiv-surge-in-the-asia-pacific-region
[2] Outrage Magazine. (n.d.). Case against HIV-related discrimination by Ricky Reyes Corporation upheld by Court of Appeals. https://outragemag.com/case-against-hiv-related-discrimination-by-ricky-reyes-corporation-upheld-by-court-of-appeals/
[3] Bulgar Online. (n.d.). Kulong at multa sa puneraryang tumanggi sa pinaghihinalaang may HIV.https://www.bulgaronline.com/post/kulong-at-multa-sa-puneraryang-tumanggi-sa-pinaghihinalaang-may-hiv
No comments:
Post a Comment