Friday, October 3, 2025

π—žπ—’π—Ÿπ—¨π— : “Sierra MadREALIDAD: Panangga na Nilalagas” ni Reinaleth Gene L. Romero


              


Inilathala ni: Kyla Shane Recullo

Petsang Inilathala: October 3, 2025

Oras na Inilathala: 4:45 PM


Hanggang saan natin kayang sirain ang mismong bumubuhay sa atin? Kung hindi tayo kikilos ngayon—kailan pa?


Ang kabundukang Sierra Madre ang nagsisilbing panangga ng sampung (10) lalawigan mula Cagayan hanggang Quezon laban sa malalakas na bagyong nagmumula sa Karagatang Pasipiko. Isa itong biyayang likas na binubuo ng malalawak na kagubatan at kabundukan, at tahanan ng halos 40 porsyento ng natitirang kagubatan sa Pilipinas.


Nagtataglay ito ng mayamang biodiversity: higit sa 3,500 uri ng halaman, kung saan 58% ay katutubo lamang sa ating bansa. Nagsisilbi rin ito bilang carbon sink na sumisipsip ng carbon dioxide sa atmospera, isang mahalagang gampanin sa paglaban sa climate change.


Mahigit 50 taon nang tuloy-tuloy ang pagkasira ng Sierra Madre bunga ng ilegal na mga aktibidad, sa kabila ng mga babala, protesta, at umiiral na batas. Hanggang ngayon, patuloy itong nakakalbo, at patindi nang patindi ang pinsala. Pagmimina, ilegal na pagtotroso, at walang habas na pagkuha ng lupa ang pangunahing sanhi ng pagkawasak ng ating kabundukan. Sa halip na pangalagaan, unti-unti itong pinapatay ng kasakiman.


Nakapanlulumo ang kalagayan ng Sierra Madre, lalo na’t ito ang ating pangunahing depensa sa panahon ng sakuna. Ngunit oras na para ibaling ang atensyon sa kung paano natin ito mapangangalagaan—hindi lamang dahil sa proteksyong ibinibigay nito. 


Sa kabila ng mga batas tulad ng Executive Order No. 23 na lumikha sa Anti-Illegal Logging Task Force (AILTF), patuloy pa rin ang paglabag at panlilinlang. Masaklap sapagkat tila pinapayagan o hindi napapansin ng ilang nasa kapangyarihan ang patuloy na pagsira rito. Sa kakulangan ng pondo, tauhan, at epektibong pagpapatupad mula sa DENR, higit pang nalalagay sa peligro ang kalikasan.


Hindi lamang ito usapin ng kalikasan, kundi ng karapatang pantao at kultural. Ang Sierra Madre ay hindi lamang tahanan ng mga hayop at halaman—ito rin ay sagradong lupain ng mga katutubong pamayanan, na matagal nang ipinaglalaban ang kanilang karapatan sa lupaing ninuno. Ngunit tulad ng kagubatan, sila rin ay pinapalitan ng katahimikan at panggigipit.


Sa ilalim ng lahat ng ito ay ang ugat na matagal nang problema: katiwalian, kapabayaan, at kawalan ng malasakit. Imbes na gawing tungkulin ang pagprotekta, mas pinipiling pagkakitaan ang kagubatan. At ang masakit, pinapanood na lang ito ng marami.


Ang pagkasira ng Sierra Madre ay hindi simpleng pagkawala ng kagubatan—ito ay pagkawala ng kinabukasan. Kung hindi tayo kikilos ngayon, mas lalala ang epekto ng sakuna, tagtuyot, at pagbaha. At pag dumating ang panahong iyon, wala tayong ibang masisisi kundi ang ating sarili.


Iboto natin ang mga lider na tunay na may malasakit sa kalikasan, suportahan ang mga inisyatibo para sa reforestation at edukasyon ukol sa Sierra Madre, at higit sa lahat, ikalat ang kamalayan. Kung kaya, makilahok sa mga tree-planting activities at sumali sa mga organisasyong gaya ng Haribon Foundation, Masungi Georeserve, at iba pang lokal na grupo na nagsasagawa ng reforestation at edukasyon para sa kalikasan.


Maging aktibo sa balita, ipagkalat ang impormasyon, makibahagi sa mga talakayan, at hikayatin ang iba pang mamamayan na makialam. Para sa mga katutubo na nakatira dito, ang kalikasan na ang kanilang kabuhayan, kung wala ito, wala rin sila. Muli, ang laban para sa Sierra Madre ay laban ng bawat Pilipino. Huwag tayong mag bulag-bulagan, makialam kung kinakailangan.


Hangga’t may natitirang punong nakatayo, may pag-asa pa. Pero hangga’t walang kumikilos, tayo ang kawawa sa kasalanang tayo rin ang lumikha.


MGA SANGGUNIAN:

[1] Sarmiento, B. (2024, October 27). Isalba ang Sierra Madre, isalba ang Sierra Madre. Pilipino Star Ngayon. https://www.philstar.com/pilipino-star-ngayon/opinyon/2024/10/27/2395562/isalba-ang-sierra-madre-isalba-ang-sierra-madre
[2] Save Sierra Madre Network Alliance. (n.d.). Save Sierra Madre. https://www.savesierramadre.com/
[3] Balane, J. (2023, August 14). Sierra Madre: Indigenous peoples face environmental turmoil in the Philippines. Earth Journalism Network. https://earthjournalism.net/stories/sierra-madre-indigenous-peoples-face-environmental-turmoil-in-the-philippines

No comments:

Post a Comment