Inilathala ni: Iana Henson
Petsang Inilathala: Oktubre 2, 2025
Oras na Inilathala: 5:37 PM
Kategorya: Tula
Tema: Sakripisyo at pagsusumikap ng isang mag-aaral upang makamit ang mataas na marka.
Pilit na kinakaya
ang bawat gabing walang tulog,
mga matang namumugto
sa init ng lampara.
Ang oras ay nililok
sa pagitan ng mga pahina’t tinta,
habang ang dibdib
ay kumakabog sa bigat ng adhikain.
Ang papel ang naging saksi
sa mga hakbang na walang nakakita—
at sa likod ng bawat numero,
nakatago ang katahimikan ng gabi,
ang pagkapaso ng mga mata,
at ang pagbitaw sa sariling aliw.
At ngayong hawak ko na,
isang tanong ang sumisigaw:
“Marka nga lang ba ito?
O tanda ng bawat laban
na hindi nakita ng iba—
ng mga sugat na di nakita,
ng hangaring hindi iniwan,
at ng lakas na muling bumangon?”
No comments:
Post a Comment