Inilathala ni: Sophia Garcia
Petsang Inilathala: Oktubre 10, 2025
Oras na Inilathala: 6:48 am
Kategorya: Prosa
Tema: Pagtuklas sa Sarili at Katapatan sa Sariling Pagkatao
Sa ‘di kalayuan mula sa aming baryo ay mayroong bagong bukas na bilihan ng mga sapatos. 'Bakya ni Aling Nena'. Nakapaskil ang kumikinang at kulay rosas na mga letra na ito ilang kilometro patungo rito. May mga sapatos na yari sa pinakintab na balat—kumikinang na parang dangal na pinanday ng panahon. May mga takong na wari’y isinilang para sa mga silid ng kapangyarihan, at mga bota na tila minsan nang nakipagsayaw sa mga damuhang malaya. Iba’t ibang anyo. Iba’t ibang kulay. Lahat naghihintay ng isang tulad kong maniwalang sila ang tamang sukat sa aking mga hakbang.
Aking sinubukan muna ang mga sapatos na agaw-pansin sa aking mga mata, na tila‘y hinahatak ako ng kaniyang ganda. Ngunit, maganda silang tingnan sa salamin, oo, parang perpektong larawan. Ngunit sa bawat hakbang, ramdam ko ang kirot. At doon ko naunawaan: hindi pala ang landas na nais ko ang tinatahak ng mga paa ko, kung hindi ang landas na gusto ng iba para sa akin.
Sunod kong sinubukan ang mga sapatos na ipinipilit ng iba na dapat kong suotin. ‘Malayo ang mararating mo diyan,’ sambit nila. ‘Subok na’t matibay.’ Ngunit sa bawat hakbang, para bang ako’y lumalakad sa kwento ng iba—hindi sa akin. Oo, marahil makakarating ako sa kung saan. Pero hindi bilang ako, kung hindi bilang sila.
Kay rami kong oras na ginugol sa pagsusuot ng mga sapatos na hindi naman para sa akin— mga sapatos na ulit-ulit lamang akong pinaikot, mga sapatos na nag-iwan ng kirot, mga sapatos na nagtanim ng tanong sa akin: marunong pa ba talaga akong maglakad para sa aking sarili?
Hanggang sa dumating ang isang tahimik at malumanay na araw, nang matagpuan ko ang isang payak na pares. Hindi sila sumisigaw para mapansin. Wala silang pangakong babaguhin ang aking buhay. Ngunit…akma sila sa akin. Walang paltos. Walang pag-ika. Walang kailangang baguhin sa bilis ng hakbang. Ako lang—lumalakad ng ako at hindi ng iba.
Sa pagsusuot ko sa kanila, hindi ko naramdaman ang pagbabagong-anyo. Ang naramdaman ko’y ang unti-unting paglalantad ng kung sino at ano talaga ako.
Doon ko naunawaan— na ang buhay ay hindi tungkol sa pag-akma sa lahat, kundi sa pagtanggal ng ingay ng kapaligiran upang mahanap ang sarili mong matagal nang nariyan at naghihintay lamang na matagpuan. Ang tamang sapatos ay hindi lumilikha ng panibagong ‘ikaw’— ginagawa nitong mas magaan tahakin ang landas na nakatadhana para sa iyong mga paa.
Kaya piliin mo ang sapatos na akma sa’yo— hindi ‘yong patok, at lalong hindi ‘yong kinahuhumalingan ng iba para sa‘yo.
Sapagkat kapag ang iyong mga paa‘y nakatagpo ng tamang tugma— doon mo mararamdaman ang liwanag na hindi mo kailanman nilikha, kundi isang lihim na apoy na matagal nang naglalagablab sa kailaliman ng iyong pagkatao at diwa.
No comments:
Post a Comment