Thursday, October 2, 2025

‎π—£π—”π—‘π—œπ—§π—œπ—žπ—”π—‘: "Sa Lilim ng Aking Isipan" ni Lyn Axzel G. Ganaba

KATEGORYA: Tula
‎TEMA: Tunay na bigat ng damdaming hindi nakikita ng iba.
‎Sa bawat pag pikit ng aking mga mata,
‎Madilim na espasyo ang laging nakikita,
‎Para bang ang araw ay linamon ng gabi,
‎Sa pag patak ng alas diyes, isip ko'y 'di mapakali.
‎Samu't saring kaisipan nanaman ang tumatakbo,
‎"Hanggang kelan pa ba iikot ang aking mundo?"
‎Mga matang namumugto sa puyat,
‎Habang ang dibdib ay pasan ang bawat takot at hirap.
‎Limang titik ang gustong isigaw,
‎Ngunit kay hirap isambi't sapagkat ang mundo'y maaaring magunaw,
‎Paulit-ulit ko na lamang bang ikukulong at gagawing bihag,
‎Ang salitang kailangang maging matatag?
‎Isa lamang akong taong marupok,
‎Na sa daming gawain tila 'di makalunok,
‎Masakit nang lingunin ang realidad,
‎Na umiikot ang buhay sa mapait kong palad.
‎Kung mapipili ko lang na talikuran ang lahat,
‎Iiwanan ko ang kirot sa dibdib na kumakagat,
‎Para bang ang mundo ay salat sa liwanag ng pag-asa,
‎At ako'y gapos sa bigat na tila wala nang halaga.       
‎ 
‎Ngunit sa bawat pagpatak ng luha't pagkadapa,
‎May sigaw ng damdaming ayaw sumuko't mawala,
‎Hangga't may tintang dumadaloy sa aking pluma,
‎May pag-asa pa rin sa bawat umaga,
‎Kaya't kahit luha'y patuloy sa pag-agos,
‎At puso'y minsan pang madurog at mapaos,
‎Muling panghahawakan ang sariling salita,
‎Hanggang sa mapagtanto kong 'di pa tapos ang aking pahina.

Ipinaskil ni : Jigger Von Malenab
Naipaskil : October 2, 2025
Oras : 6:59 pm

No comments:

Post a Comment