Inilathala ni: Kyla Shane Recullo
Petsang inilathala: Enero 30, 2026
Oras na inilathala: 3:56 PM
Kategorya: Tula
Tema: Tinig ng Kabataan bilang Katalista ng Pagbabago
Sa Gitna ng Ingay, May Tinig
Naglalakad ako sa kalye
kung saan ang bitak ng semento
ay tila mapa ng mga pangakong napako.
Sa bawat hakbang, may sigaw ang hangin—
hindi galit, kundi pag-asang
matagal nang naghihintay ng makikinig.
May mga plakard na mas mabigat
kaysa sa karton na bumubuhat dito,
sapagkat karga nila ang gutom,
ang pagod,
ang tanong kung hanggang kailan
kami mananatiling tahimik.
Sa gitna ng rally,
ang aking tinig ay nagiging paninindigan—
hindi para manakot.
Sapagkat kahit paulit-ulit ang maling ikot,
may kabataang humahawak sa paniniwalang
maaari itong maputol.
Sa social media,
kami’y tinatawag na maingay,
padalos-dalos,
ngunit hindi nila naririnig
ang katahimikang aming nilunok
bago kami natutong magsalita.
Lumaban ako nang may takot,
ngunit mas lumakas ang pag-asa.
Dahil sa kabila ng dilim ng balita
at bigat ng kasaysayan,
patuloy kaming naghahanap ng hustisya—
hindi lang para sa amin,
kundi para sa mga susunod pang tatahak sa kalyeng ito.
Kaya makinig ka.
Ito ang tinig ng kabataang may paninindigan.
Hindi kami perpekto,
ngunit kami’y gising.
At hangga’t may mali,
kami’y kikilos—
dahil ang pag-asa,
kapag pinagsama-sama,
ay nagiging pagbabago.

No comments:
Post a Comment