Thursday, January 29, 2026

π—£π—”π—‘π—œπ—§π—œπ—žπ—”π—‘: “Pangarap lang kita“ ni Gee Anne Robles

Disenyo ni: Mark Louie Pocot

Dibuho ni: Kirk Roxel Arguta

Inilathala ni: Jadelynn Arnigo

Petsang Inilathala: Enero 29, 2026

Oras na Inilathala: 4:44 PM


Kategorya: Prosa

Tema: Ang pagiging torpe ay naglilimita sa pagmamahal, kaya ang nararamdaman ay nananatiling pangarap lang.


May mga taong marunong magmahal nang tahimik. Isa siya roon—isang torpe, sanay umibig nang walang kasiguruhan. Hindi dahil hindi niya alam ang nararamdaman niya, kundi dahil natatakot siyang marinig ang sagot. Kaya ang pagmamahal niya’y nananatili sa mga titig na hindi nagtatagal, sa mga salitang paulit-ulit na binubuo ngunit hindi kailanman binibigkas.

Sa tuwing nakikita niya ito, may bahaging gustong sumubok—lumapit, magsalita, umamin. Ngunit palaging may mas malakas na boses sa loob niya na nagsasabing huwag na. Huwag nang guluhin ang katahimikan. Huwag nang umasa. Kaya pinili niyang manatili sa lugar kung saan hindi siya masasaktan, kahit alam niyang doon din siya unti-unting nauubos.

Paulit-ulit niyang sinanay ang sarili na tanggapin ang imposible. “Mabuti pa sa lotto, may pag-asang manalo, ‘di tulad sa’yo—imposible.” Sa paglipas ng mga araw, naniwala na rin siya. Mas madaling ikumbinsi ang sarili na hanggang doon lang siya, kaysa aminin na kulang siya sa tapang.

Habang siya’y nagdadalawang-isip, may isa namang napagod kakahintay. “Dahil mahirap maging babae kung torpe yung lalaki.” Mahirap umasa sa damdaming hindi malinaw, sa presensyang laging nariyan pero hindi kailanman lumalaban. Unti-unti, natuto ang babae na huwag nang magtanong, huwag nang umasa, at sa huli—umatras.

Walang nagpaalam. Walang malinaw na pagtatapos. Isang araw, hindi na lang siya hinintay. May iba nang kausap, may iba nang inuuna, may ibang tinatanggap ang tapang na hindi niya naibigay. At doon niya naramdaman ang sakit na matagal niyang iniiwasan—ang sakit ng pagkawala nang hindi man lang sinubukan.

Pangarap lang kita. Ngayon ko lang naintindihan kung gaano kasakit ang mga salitang ‘yan. Hindi ka naging alaala dahil umalis ka—naging ala-ala ka dahil hindi kita hinawakan. Hindi dahil hindi mo ako pinili, kundi dahil hindi kita pinili sa tamang oras. At habang buhay kong dadalhin ang tanong kung paano kung naging mas matapang ako, ikaw ay patuloy nang magiging pangarap na hindi na kailanman babalik.

No comments:

Post a Comment