Disenyo ni: Jannah Precious Nabua
Inilathala ni: Kyla Shane Recullo
Petsang Inilathala: November 6, 2026
Oras na Inilathala: 8:15 AM
Kategorya: Tula
Tema: Isang bersyon na nabubuhay na lamang sa isang litrato
Hindi pa tayo tapos sa larawang ito,
Magkatabi sa ilalim ng araw,
Nakaharap sa kamera habang nakangiti,
Walang bakas ng magiging wakas.
Asul ang langit sa likuran natin,
Mainit ang sikat sa ating mga mukha.
Hawak mo pa ang kamay ko noon,
Hindi ko alam na huling beses na pala iyon.
Minsan, inilalabas ko ang larawan,
At sinusundan ng tingin ang mga mata mo.
Parang naririnig ko pa ang boses mong pamilyar,
Kasabay ng araw na ayaw ko pang matapos.
Ilang buwan lamang ang lumipas.
Nagbago ang paraan ng pakikipag-usap natin,
Naging maikli ang mga sagot,
At naging mahaba ang katahimikan.
Dumating ang panahong nagkikita tayo,
Ngunit pareho tayong umiiwas ng tingin.
Unti-unting naging malayo ang dating magkatabi,
At bihira nang may puwang para sa atin.
Madalas kong itanong kung kailan nagsimula,
Ngunit hindi ko matukoy ang eksaktong oras.
Basta isang umaga, wala ka na sa tabi ko,
At ang larawan na lang ang nanatiling pareho.
Kaya hindi ko ito itinatapon.
Hindi dahil hinihintay kong bumalik ka,
Hindi dahil nais kong ibalik ang dati,
Gusto ko lamang ingatan ang araw na iyon.
Sa larawang ito, magkatabi pa tayo.
Wala pang huling usapan sa pagitan natin,
Wala pang pinto na isinara nang tuluyan,
At wala pang dahilan upang tawagin kang alaala.
Kapag tinitingnan ko ang litrato,
Nakikita ko ang sarili kong masaya.
Naaalala ko kung gaano kita minahal,
At tinatanggap kong tapos na iyon.
Dahil minsan ay naging tahanan kita.
Ngayon, larawan na lamang ang naiwan.
Nasa loob ka pa rin ng maliit na kuwadrong iyon.
Samantalang ako?
Natututo nang magpatuloy.

No comments:
Post a Comment