Minsan ba'y naisip mo kung lahat ba nang nakikita mo sa paaralan ay totoong tao? Baka sila ay mga kakaibang elementong nagpapanggap na studyante lamang upang makahanap ng sunod na kanilang bibiktimahin.
Maniniwala ka ba kung sasabihin ko sa inyo na sa loob ng isang-daang bahagdang studyante sa paaralan may isang porsyentong posibilidad na makasalubong ka ng hindi mo kapwa tao?
"Andres naniniwala ka ba sa mga aswang?" tanong ko kay Andres.
"Hindi bakit? May nakita ka na bang aswang?" tugon niya sakin.
Ang sabi ko naman sa kanya ay wala... na kahit isa ay wala pa akong nasisilayan na aswang.
"Siguro sadyang mga mangmang ang mga tao para maniwala sa mga sabi-sabi na yan na wala namang katunayan," bigla kong nasambit habang kami ay papasok sa aming silid-paaralan.
Pag pasok namin, narinig namin ni Andres na ang mga kaklase namin ay may pinag-uusapan. Narinig ko na meron daw natagpuang bangkay sa likod na bahagi ng aming paaralan. Sabi nila ay mayroon daw itong kagat sa leeg at braso, at ang ibang bahagi naman daw nito ay hindi matagpuan. Ang pinaghihinalaan nila na gumawa nito ay aswang. Iniisip nila na mayroon daw aswang sa paaralan namin sa kadahilanan ngang ang lugar na pinagtayuan ng aming paaralan ay isang liblib na lugar at ang katabing lugar naman ng paaralan namin ay isang mapunong bakanteng lote.
Alas-otso na ng gabi ngunit andito parin kami sa aming paaralan habang gumagawa ng aming proyekto sa asignaturang Filipino.
"Emilio, bibili lang ako ng ating makakain," paalam sakin ni Andres bago siya umalis.
Habang ako'y magisa at nagawa ng aming proyekto, meron akong napansing kakaiba. Meron akong napansin na may matang kulay dilaw na nakatingin sa akin ngunit sa takot ko, hindi ko na lamang ito pinansin. Nawala ang takot ko nang dumating si Andres na may dala-dalang pagkain at inumin.
"O, ayan kumain ka na mun. Masyado kang nagbababad diyan sa proyekto na yan, ako na muna ang gagawa diyan," sabi sa akin ni Andres.
"Salamat Andres," tugon ko naman sakanya. Inabot na kami ng alas-onse sa paaralan dahil sa proyekto na kailangang tapusin. Habang ako'y may pinagmamasdan, may nakita ulit akong kakaiba ngunit ngayo'y hindi na siya mata bagkos isang katawan na walang ulo.
"Emilio, ano nangyari sayo? bigla kang atang nanigas diyan."
"Andres, mayroong katawan na walang ulo sa likod mo." Sa sobrang takot namin ay tumakbo kami papalayo at papunta sa likod ng aming paaralan.
"Mukang ligtas na tayo dito Andres, mukha namang hindi tayo sinundan at maliwanag naman na dito sa bakuran," sabi ko naman kay Andres.
"Oo, mabuti umuwi na lamang tayo hayaan na natin ang proyekto natin kaysa sa tayo pa ay mapahamak." Sabi ni Andres na akin din namang sinang-ayunan. Habang kami ay naglalakad, napansin ko na mas naging malamig ang simoy ng hangin at mas dumilim ang paligid. Sa sobrang takot ko ay sinabi ko to kay Andres. Ngunit nagulat ako dahil naging iba ang itsura niya: ang dati niyang mga matang kulay berde ay ngayo'y naging kulay dilaw at ang balat naman niyang kayumanggi ay onti-onting nagiging kulay itim.
"Naniniwala ka na bang totoo ang mga aswang, Emilio? Matagal na kitang gusto biktimahin ngunit ngayon lamang ako nagkaroon ng pagkakataong makasama kang mag-isa."
Hindi ko nagawang makakibo dahil sa sobrang takot. Hindi ko rin inaasahan na ang pinaka-matalik kong kaibigan ay siya rin palang tatapos ng aking buhay. Akala ko isa lamang silang haka-haka ngunit eto na ngayon sa harap ko ang isang aswang na nagpapanggap na isang tao... isang aswang na tatapos ng aking buhay.
No comments:
Post a Comment