“Bente singko lahat,” walang kabuhay-buhay ang pagkakasambit ng kahera sa presyo ng nabili kong kape. Mabilis kong nailapag sa tapat niya ang kinakalawang na limang piso at ang buong bente na hindi na makilala. Sa gabi-gabing pagdaan ko rito para bumili ng kape, nagmistulang ilog na payapang umaagos ang naging kilos ko sa loob ng tindahan maging hanggang sa makalabas ako.
Parehas na senaryo, parehas na pakiramdam; ang kaso lang, ibang araw. Hindi lumilihis ng tapak ang tadhana ko sa bilog at paikot-ikot na buhay. Kakanan ako sa susunod na kanto, limang minutong maglalakad, hihiga sa kama at—
“Tulong!”
Muntik na akong matapilok sa sarili kong paa nang bigla akong mapatigil dahil sa sigaw na iyon. Tinignan ko ang paligid ko—walang tao.
“Nadedeliryo na ba ako?” Isang beses ko pang sinuri ang madilim na eskinita, wala talagang ibang nandito bukod sa akin.
Nagpatuloy ako ng lakad habang sumisimsim ng kape.
“Tulong…”
Sa muling pag-ugong ng sigaw na tila nasa kabilang dulo ng isang kweba, tuluyan akong nabuwal sa kinatatayuan ko. Napaupo ako sa malamig na semento at nahintatakutang hinanap ang pinanggagalingan ng sigaw na iyon. Nagsimulang manginig at mamanhid ang kalamnan ko—ni hindi ko na maramdaman ang init ng kape na tumatagos sa ‘king pantalon. Ngunit kabaligtaran sa init ng kape, tila nanigas ako nang makarinig ng yabag ng mga paa.
Mabagal ito at tila napakabigat. Nanggagaling sa likod ko ang mga yabag. Papalapit, at sa isang iglap, tumigil ang paglalakad. Ramdam ko ang presensya sa likod ko. Pero tinakasan ako ng dugo nang mapagtantong walang ibang anino sa harapan ko, kung saan kitang-kita ko ang sarili kong anino.
Naghikahos akong makatayo at lumingon sa aking likuran, pero ang tanging nadatnan ko lang doon ay bakas ng dugo sa malamig na espalto. Bakas ng dugo na mistulang nanggaling sa mga kamay at pilit na kinakaladkad ng sino man.
Nanlalaki ang mga matang humakbang ako ng paatras, kailangan kong makaalis dito. Tumalikod akong muli at tatakbo na sana nang sa isang iglap ay lumitaw ang daan-daang sugatan na tao.
May babae, may lalaki; may bata, may matanda; lahat sila ay nababahiran ng dugo sa buong katawan—at lahat sila ay tikom ang bibig sa iba’t ibang paraan.
Sa takot ko ay humakbang ako paatras; paatras nang paatras hanggang sa maramdaman ko nalang na nahuhulog na ako sa hindi matapos-tapos na bangin.
Ramdam ko ang hampas ng hangin, at kasabay nito ay ang iba’t ibang boses na nagsasabing:
“Sige, umatras ka,
Takasan mo ang responsibilidad mong magsalita.
Sige, manahimik ka,
At hayaan mo kaming gambalain ang payapa mong paghinga.
Sige, tumalikod ka,
At darating ang araw na makikita mo ang sarili mo sa pinagpakuan ng aming mga paa.”
Sa pagbagsak ng katawan ko sa nagyeyelong tubig, naramdaman ko ang bawat hibla ng kuryenteng gumagapi sa buong pagkatao ko. Nang tuluyan akong nilamon ng tubig, bumalik sa akin ang alaala noong gabing iyon. Noong gabing pinili kong mabulag sa karahasan, at nagpakamanhid sa mga multong hindi ako nilulubayan—para lang malaman na walang multong mapapagod kasusunod sa iyo; para lang malaman na walang multong tatayo sa labas ng bintana mo at hindi kakatok sa salamin upang mapansin.
No comments:
Post a Comment