Mga mata'y napako sa kay gandang tanawin,
hindi maaliwalas sa halip ay puno ng kapanglawan.
Malamig na hangin ang siyang yumakap sa kabuuan.
Sumilay ang matamis na ngiting dulot ng mga alitaptap sa kalangitan,
Subalit sa mga mata'y bakas ang pighati't kalumbayan.
Nanatiling sandalan sa oras ng kahinaan,
nagmistulang payong sa tuwing umuulan,
nagsilbing gasera sa kalyeng binalot ng kadiliman,
gayon pa man ako'y hanggang kaibigan lamang.
Muling pinagmasdan ang magandang tanawing kinasadlakan,
bumalik na ang dating galak,
pati na ang mga ngiting abot hanggang tainga,
gayon din ang siyang nagdulot ng pait at kapighatian.
Buwan lamang ang tanging pagitan.
Doon natapos ang kasiyahan sa tarangkahan,
kung saan ka unang nasilayan,
doon rin ako'y nilisan,
'pagkat ako'y kaibigan lamang.
No comments:
Post a Comment