Monday, February 7, 2022

LITERARY: "Lantang Liryo" ni Erica G. Ildefonso

Klasipikasyon: Prosa

Tema: Alegorya ng Pagkabirhen

Sinopsis: Ang kaniyang pagkadalisay ay nadungisan ng huwad na kabanalan.


Ang damit niyang puting sutla ay napapalamutian ng mga abaloryong puti rin. Ito ang lagi niyang suot sa tuwing papasok ng nabe at luluhod sa tapat ng rabing matagal nang patay ngunit lunod pa rin sa linggo-linggong pamimitagan ng mga bulag at piping sinisiil.


Siya ay isa sa mga bulag at piping iyon.


Ngunit iba ang partikular na hapon na ito. Dumalo siyang mulat ang mata at bibig sa sariling palahaw. Ang pananangis niyang iyon ay abot sa bema ng nagkukunwaring rabi na tinapunan siya ng nanghahatol na mga mata, wari bang gusto siyang patahimikin sa oras ng sermon. Nang mabanaag niya ang ginawang iyon ng huli ay mas lalo siyang nag-ingay na ikinagalit naman ng iba pang mga bulag at pipi.


Ngunit hindi katulad niya, nanatiling tahimik ang mga ito.


Iginiya niya ang katawan papasok sa isang hanay ng bangko, doon sa pinakadulo malapit sa entrada. Hindi siya lumuhod matapos magsiawitan ang mga koro ng Agnus Dei buhat nang ang mga tuhod niya ay lantang kumakawag sa tuwing igagalaw. Sa halip, siya ay pumikit lamang, may multong luha pa rin sa talukap ng mga mata.


Humarap siya sa altar na batbat ng mga anghel at santong kabisado niya mula pagkabata ang mga ngalan, lalong lalo na ang iskultura ng lalaking nakapako sa krus. Kawangis nito ang langit na ipinangako sa kaniya ng rabi nang makaulit magniig ang kanilang mga katawang unit-unting nayuyurakan ng imoralidad. Anito, ang bawat haplos at halik ay simbolo ng pagpapasakop sa itaas.


Isa-isang inabandona ng mga tao ang bangko upang luminya sa pasilyo patungo sa huwad na rabi. Nang masibalikan ang mga ito, tiyak siyang tinapunan siya ng ilang uyam at panlilibak. Siya ay naging kimi at paanas na bumulong sa sarili,


Ngunit sino ang maglalakas loob na magturo ng kanilang daliri sa akin?


Sino ang susubok na unang bumato sa akin gayong lahat sila ay mga bulag at pipi rin?


Natapos ang seremonya at nauna siyang lumisan, ang kaniyang puso ay animoy sasabog sa kadustaang dulot ng pambubuyo ng rabi, na kahit ang damit niyang sutla, puti man bilang tanda ng pagsunod sa Dios, ay hindi kailanman kayang ikubli ang kaniyang nawalang pagkadolensya.


Ngayon, kanino na siya magdadasal?


Kuha ni: Jericho Mendez


Published by: Lloyd Agbulos 

Date published: February 07, 2022

Time published: 3:22 PM

No comments:

Post a Comment