Thursday, December 9, 2021

Titulo: Kahit Ilang Libong Liham pa ang Isulat May Akda: Franxine B. Teodocio




Katergorya: Prosa
Tema: Pagmamahal

Buod: Ang pagbabakasakali ng isang babae na maaari pang magbago ang nararamdaman ng taong gusto niya sa kaniya. Posible bang masagot na ang mga katanungan sa isipan niya na tanging ang lalaki lamang ang makakasagot nito?


Dalawampu't walong minuto na ang nakalipas matapos ang alas dose ng madaling araw. Nagsimula na akong batiin ng ibang mga kaibigan ko kanina ng Maligayang Kaarawan. Nakatitig ako sa kisame ng kwarto ko nang biglang tumunog ang telepono ko na nakapatong sa ibabaw ng tiyan ko. Walang kasigla-siglang binuksan ko ito. 

Nanlaki ang mga mata ko nang mabasa at malaman ko kung sino ang nagpadala ng mensahe dahil hindi ko ito inaasahan. Pinilit kong pakalmahin ang sarili at ang puso ko nang nagsimulang bumilis ang pagtibok nito, ngunit sadyang hindi ko mapigilan ang totoong nararamdaman ko ngayon. Paniguradong pati ang mga lamang loob ko na naman ay nakararamdam ng kilig ngayon. 

Hindi ko maintindihan kung bakit at sa kung paanong paraan niya nagagawa sa'kin na maramdaman ko ng sabay-sabay ang saya, kilig, gulat at lungkot. Siya lamang ang tanging nakakapagparamdam no'n sa'kin. 

Ilang buwan na ang nakalilipas ngunit hindi ko maintindihan kung bakit nararamdaman ko pa rin ang mga paru-parong nagliliparan sa sikmura ko nang dahil lamang sa mga simpleng ginagawa mo. ~

Kanina lamang ay wala akong kasigla-sigla dahil sa hindi ko alam kung ano mang dahilan 'yon. Pero nang makatanggap ako ng mensahe mula sa kaniya, pakiramdam ko ay ako na ang pinakamasayang may kaarawan ngayong araw na ito. 

"Maligayang Kaarawan!" 

Hindi ko maintindihan 'tong pakiramdam na ito. Paanong nangyari na ang simpleng pagbati mo lang ay napakalaking bagay na para sa akin? ~

Ano pa ba ang kaya mong iparamdam sa akin? ~

Pinakalma ko ang sarili. Hindi ako maaaring mag-isip pa ng ibang bagay na makakadagdag na naman ng dahilan para mas umasa ka pa sa kanya. 

Nagsimula na ako magtipa ng isasagot ko sa kanya. "Salamat! May nararamdaman ka na ba para sa akin ngayon? πŸ™‚" 

Napapikit akong umiling at kinagat ang ilalim na labi. Agad ko ding binura ang tinipang sagot, at muling nagtipa ng panibago. "hala salamat" sagot ko na lamang. 

Hindi ko inaasahang muli siyang sasagot. "Walang anuman, pahingi ng handa" Bahagya akong napangiti nang pumasok ang isang ideya sa isipan ko. 

Hindi naman siguro masamang imbitahin ko siyang pumunta mamayang hapon dahil sa kaunting handaan na mayroon ako para ipagdiwang ang kaarawan ko 'di ba? At ibig ko din naman siyang makita.  

"Punta ka dito" pag-iimbita ko. Pangiti-ngiti naman akong naghihintay ng reply niya. "sana pumayag" nakapikit kong pinagkrus ang hintuturo at gitnang daliri ko habang binabanggit ito. 

Mas lumawak ang pagkakangiti ko nang sumagot siya ngunit agad ring naglaho nang mabasa ito. 

Paano mong nagagawa na pasayahin ako at palungkutin din ng magkasabay? ~

"Nasa probinsiya ako ngayon" Nanlumo ako pero agad rin namang nakaramdam ng saya dahil kahit na papaano ay hindi niya pa rin nakalilimutan na batiin ako ngayong kaarawan ko. Malaman ko lamang na may pakialam pa rin siya sa akin hanggang ngayon ay labis na ang sayang nararamdaman ko. Ngunit sana sa susunod na imbitahan ko siya ay makapunta na siya. 

Gayunpaman, masaya akong maramdaman na wala na ang gusot sa pagitan naming dalawa. Maayos na at walang galit sa isa't-isa.

Natawa pa ako nang sabihin niya na ipadala ko na lamang daw ang handa ko sa probinsya kung nasaan siya ngayon upang matikman niya ang mga pagkaing pagsasaluhan sa aking kaarawan o kaya naman daw ay ipadala ko na lamang sa bahay nila dito sa Manila at kakainin na lamang daw niya kapag nakauwi na siya dito. 

Pero hindi ko pa rin maiwasang isipin na bakit kahit na nasaktan ko siya noon ay parang wala lang ito sa kaniya ngayon? Ilang buwan pa lamang ang nakakalipas simula nang mangyari 'yon pero sa paraan ng pakikipag-usap niya sa'kin ngayon ay parang wala lang nangyari gayong heto akong nakakaramdam ng kaasiwaan sa pakikipag-usap sa kaniya. 

Nasaktan ko nga ba talaga siya o talagang ako lang ang nasaktan sa aming dalawa? 

Saglit pa kaming nagbiruan nang maalala kong bigla ang mga huling liham na ibinigay ko sa kanya. Nabasa niya na kaya ang mga 'yon? 

Napailing na lang ako nang maisip na bawiin na lang sa kaniya ang mga liham na 'yon, hindi naman dahil sa gusto ko lamang na bawiin ang mga bagay na ibinigay ko na sa kanya, pero ang kadahilanang malaman ko na baka itinapon o itapon niya lamang ang lahat ng 'yon ay sobrang sakit para sa akin. 

"Siya nga pala, nabasa mo na ba yung mga liham na binigay ko sayo o itinapon mo na?" 

Hindi kasi siya nagpasalamat sa akin noong araw na 'yon. Agad akong napabangon sa pagkakahiga dahil sa hindi inaasahang isasagot niya. "Bakit ko naman itatapon ang mga 'yon?" 

Napangiti naman ako. Malaman ko lamang na pinapahalagahan niya ang mga liham na ginagawa ko para sa kanya ay wala nang makakapantay pa sa galak na nararamdaman ko. "Pero hindi ko pa nababasa dahil wala pa 'kong oras sa ngayon, itinago ko lamang muna sa damitan ko" 

Kumunot naman ang noo ko at napatingin ako sa kalendaryo na naka sabit sa dingding na nasa gilid ko. Buwan pa 'yon ng Pebrero at Agosto na ngayon. Binilang ko pa kung ilang buwan na ang nakalipas simula nang ibigay ko' yon at halos anim na buwan nang nasa kanya at hindi niya pa rin nababasa? Ano naman balak niyang gawin doon, ang itago ito hanggang sa mabulok? 

Kung gano'n hanggang ngayon ay hindi niya pa rin pala nababasa ang nilalaman no'n? 

Muli kong inaalala kung paano ko binigyang oras at atensyon ang pagtapos sa mga liham na 'yon. Halos magsugat ang mga daliri ko dahil sa tusok ng karayom habang tinatahi ang bawat papel para magmukhang libro 'yon. Halos ilang gabi rin akong walang maayos na tulog no'n. Hindi rin ako masyado nakapagpokus sa klase ngunit laking pasasalamat ko sa pagkahilig ko sa pagbabasa sapagkat dahil do'n ay mabilis pa rin akong nakakasabay sa mga aralin na nalagpasan ko. 

"hindi ka kasi nagpasalamat no'n" sagot kong muli. Hindi ko maiwasang isipin kung bakit hindi niya nagawang magpasalamat no'ng araw na 'yon samantalang iyong unang beses na binigyan ko siya no'n ay todo pasalamat pa siya.

"ay pagpasensyahan mo na ako, pero salamat!" sagot nya. Bakit ba hindi ko magawang magtanim ng sama ng loob sa taong 'to? Kahit na ilang beses na niya 'kong nasaktan na lingid pa sa kaalaman niya ay hindi pa rin nagbabago ang pakikitungo at nararamdaman ko para sa kanya. 

"malungkot ang pagdiriwang ko ng Araw ng mga Puso no'n dahil hindi ka nagpasalamat"

Nakaramdam naman ako ng kaunting hiya. Paano kung hindi niya nagawang magpasalamat sa akin no'ng araw na 'yon dahil mayroon siyang sariling dahilan. Paano kung nasaktan ko rin siya at nagalit talaga siya sa akin no'ng mga oras na 'yon dahil sa nagawa ko?

"Kunwari Araw pa rin ng Puso ngayon. Maraming salamat! Huwag kang mag-alala, pag-uwi ko ay babasahin ko na ang mga 'yon" Ramdam ko ang pagiging sinsero niya sa mga sagot nya. Pakiramdam ko rin ay naririnig mismo ng mga tainga ko ang mga salitang binitiwan niya at tila nagpapaulit ulit pa sa pandinig ko. 

"Sana pahalagahan mo ang mga liham na iyan" Natawa ako sa sarili ko nang maalala ko kung gaano ako nagpakahirap na sunugin ang bawat gilid ng mga papel gamit ang katol para magmukhang luma ang mga liham na 'yon. Ilang araw rin akong sinipon dahil do'n. 

"Alam mo simula pa lang kahit hindi ko pa nababasa ang mga 'yon, pinapahalagahan ko na" Palagi niya akong napapasaya kahit na simple, maliit na bagay o kahit pa sa mga simpleng salita na sinasabi niya sa akin, kahit na walang kwenta pa ang mga ito para sa kanya. Walang ibang nakapapantay o makapapantay pa sa kanya sa puso ko kahit noon pa man. Marahil ay hindi sya ang unang taong nagustuhan ko ngunit sigurado ako na siya lamang ang taong gugustuhin ko. Kahit pa pagbali-baliktarin ang mundo ay siya lang ang nag iisang tao na gusto kong makaramdam kung paano ako magmahal, kahit pa ayaw niya at kahit pa ipagtulakan niya ko palayo sa kanya. 

"sayang nga lang dahil hindi na nasundan" sagot ko. Pero ang totoo ay marami pang 'yong kasunod. Marami pa akong tula at liham na ibig kong mabasa niya sa kadahilanang hindi ko kayang masabi sa kanya ng diretso ang lahat ng nais kong ipahayag sa kanya, gaya lamang ng kung paano ako nagkagusto sa kaniya at kung gaano katindi ang nararamdaman ko para sa kaniya. Kaya sa pamamagitan ng mga liham ko ay do'n ko lamang naipapahayag sa kaniya ang lahat ng 'yon. 

"Huwag mo nang balakin" sagot nya at tumawa. Hindi man niya sabihin ng diretso sa akin ay alam kong nais na niya 'kong patigilin sa paggawa ng mga gano'ng bagay para sa kaniya dahil ayaw niya na mas umasa pa ako sa kanya, at 'yon ang pinaka masakit sa lahat. Hindi ko magawang tumigil sa pag-asa sa kadahilanang nagbabakasali pa rin ako hanggang ngayon na baka o pwede pang magbago kung ano ang nararamdaman niya para sa akin.

Sumagot siyang muli nang hindi siya agad nakatanggap ng sagot mula sa akin. "Ang dami pa kasi, hindi ko pa nga nababasa ay susundan mo na" 

Natawa na lang ako at napa-iling. Ngayong nalaman ko na hindi niya pa pala nababasa ang mga liham na ibinigay ko sa kanya, hindi na nawala sa isipan ko kung ano ang magiging reaksyon niya o kung ano ang mararamdaman niya kapag nabasa niya na ang lahat ng 'yon. 

Posible bang magbago pa ang nararamdaman mo para sa akin o sadyang hanggang dito na lamang ako talaga? ~

Gayong hindi niya pa nababasa ay paniguradong hindi niya pa rin nakikita 'yong kapirasong sunog na itim na papel na inipit ko do'n. Sariwa pa rin sa isipan ko kung ano ang isinulat ko sa papel na 'yon. 

Nakabaybayin ang mga salitang isinulat ko do'n. Wala sa isip ko ang pahirapan siya pero ang kadahilanang kapag gumawa siya ng paraan para lamang mabasa ang nilalaman ng papel na 'yon ay malaking bagay na iyon para sa akin. 






Alam kong ayaw mo na ako'y 

maghintay pa sa iyo,

ngunit nais ko pa ring hintayin ka. 

Mahal na mahal kita.

Sana mabasa mo na. ~

"paumanhin, hilig ko na kasi" 

hindi ko alam kung hilig pa nga bang maitatawag 'yon, gayong ikaw lang naman ang kaisa-isang tao na ginawan ko ng mga tula at liham. ~

"Ayos lang yan ipagpatuloy mo lang 'yang hilig mo" Awtomatiko namang ngumiti ang mga labi ko. 

"Pero sana sa tamang tao na" sagot niyang muli. Natigilan ako. . 

"Bakit ba kasi hindi ka maaaring maging tamang tao sa'kin?" tanong na hindi ko nais marinig ang kasagutan mula sa kaniya. 

"Siguro ay may iba akong babaeng nagugustuhan? kaya hindi ako naging tamang tao para sa'yo" sagot niya. Heto na yata ang pinaka-masakit na sagot niya sa'kin na natanggap ko sa buong buhay ko.

Bakit ba hindi mo ako magawang magustuhan? ~

Sa tagal ko nang nagkakagusto sa kaniya ay ngayon niya lamang sinabi sa akin ng diretso na may iba siyang gusto. Masyado siyang naging maingat noon sa bawat sagot niya sa akin at palagi niyang inililihis ang usapan tungkol dito, pero ngayon ay naging madali na lang para sa kaniyang gawin 'yon at ikinabigla ko ito. 

Paano mo nagawang sabihin sa akin yan ng diretso gayong hindi mo naman ito nagagawa noon? ~

Pero siguro nga ay wala na akong magagawa pa para magbago ang nararamdaman niya para sa akin. Na kahit anong gawin ko at kahit ilang libong tula at liham pa ang isulat ko para sa kanya ay hindi niya talaga ako magugustuhan. 

Ano nga ba talaga ang mayroon sa taong 'yon at tila gustong gusto mo siya? Ano ba ang mga bagay na nakita mo sa kanya na hindi mo makita sa akin? At ano ang mga bagay na wala sa kanya na mayroon naman sa akin pero hindi mo magawang tignan at pinipilit mong hindi makita? ~

"Pero malay mo, baka sa ibang pagkakataon"

Napapalunok pa ako habang binabasa 'yon.

Naguguluhan ako. Sinasabi mo lang ba 'yan para hindi ako gaanong makaramdam ng sakit dahil sa sinabi mong may iba kang nagugustuhan o sinabi mo lang 'yan para bigyan pa rin ako ng dahilan para mas umasa pa sa 'yo? ~

Hanggang kailan mo pa ba ako paaasahin? ~

Hanggang kailan mo pa ba ako bibigyan ng dahilan upang hindi matigil 'tong nararamdaman ko para sayo? ~

Ilang araw na ang nakalipas simula no'ng araw ng kaarawan ko, gayon din ang huling pag uusap naming dalawa. 

Alas singko na ng madaling araw at naririnig ko na rin ang tilaok ng mga manok sa labas. Naririnig ko rin ang mahinang pagbuhos ng ulan dahil bukas ang bintana ng kwarto ko. Hindi na ako nag-abala pang isara ito sapagkat nais kong madama ang malamig na simoy ng hangin mula sa labas. Nakatitig lamang ako sa kisame at ilang oras nang nasa ganitong posisyon.

Nanumbalik sa isipan ko ang mga pangyayari noong Pebrero, ang pinaka masayang araw at ang pinaka masakit na nangyari sa buhay ko, ang mga naging pag uusap namin. Ang mga dahilan kung bakit ganito kami ngayon, ang lahat ng mga kinatatakutan at hindi ko inaasahan na mangyayari ay tuluyan nang nangyari. 

Noong mga oras na 'yon ay hindi ko lubusang maisip kung bakit at paano niya nagawang iwanan ako ng gano'n kadali at walang kahirap hirap pagkatapos niyang sabihin na mahal niya ako. Sana pala ay umpisa pa lamang ay pinaniwalaan ko na ang sariling mga hinala bago pa man umabot sa ganito. Bagaman, simula pa noon ay hindi pa ako nagkakamali sa mga hinala ko. 

Pero paano mo nagawang iparamdam sa akin na mahal mo ako gayong may iba naman palang laman ang puso't isipan mo habang ako ang kasama mo? ~

Hindi ko alam kung bakit nakaramdam ako ng pagsisisi, pagsisisi sa lahat ng mga naging desisyon ko. Napuno ng mga katanungang wala na namang kasagutan ang isipan ko. 

Paano kung hindi ko sinabi sa kanya ang lahat ng bagay na gumugulo sa isipan ko no'ng mga oras na 'yon? 

Paano kung hinayaan ko na lamang lumipas ang sakit at pagkadismaya na nararamdaman ko? 

Paano kung nanatili na lamang akong tahimik at itago kung ano man ang nagawa kong pagkakamali? 

Hanggang ngayon ba ay masaya kaming gumagawa ng mga alaala na daldalhin naming dalawa hanggang sa mga lilipas na taon pa, at mas mamahalin pa ang isa't-isa habang lumilipas ang bawat araw na nagdaan? 

Bukod do'n ay naisip ko rin. 

Paano kung nanatili na lamang ako sa paghanga sa kanya noon, posible bang masaya ako ngayon at patuloy lamang sa pagsusulat ng mga liham at mga tula na para sa kanya?

At kung gano'ng may iba na siyang nagugustuhan noon pa man, anong lugar ko sa buhay niya noong mga panahon na ako ang kasama niya? Paano niya nagawang hawakan ang mga kamay ko't titigan ako ng diretso sa mga mata at sabihing mahal ako, nang hindi niya naman nararamdaman na mahal niya ako talaga? 

Bakit hindi mo na lang pinaramdam sa akin ang totoo at nagawa mo pang magsinungaling sa nararamdam mo? ~

At bakit gumamit ka pa ng ibang dahilan upang mabaliktad ang sitwasyon at ako ang magmukhang may kasalanan ng lahat para lamang iwanan ako? ~

Marahan kong ipinikit ang mga mata ko at pinunasan ang mga luhang nangilid sa mga mata ko. 

Kaya pala hindi mo nagawang intindihin ang nararamdaman ko no'ng mga oras na 'yon, kaya pala mas pinanindigan mong nagkamali ako dahil.. dahil 'yon lang pala ang naisip mong paraan upang makawala na sa piling ko. ~ 

Masakit— napaka sakit. 

Pilit kong kinakalimutan ang lahat ng 'yon, pero wala akong magawa sapagkat nagkukusa ang isip ko na balikan ang mga alaalang pilit kong ibinabaon sa limot. 

Bakit hanggang ngayon ay pinupuyat ako ng pag-iisip sa 'yo? gayong nandyaan ka naman sa malayo at mahimbing nang natutulog nang hindi man lang ako sumasagi sa isipan mo. ~

At kahit sumulat pa ako ng ilang libong tula at liham para sa'yo, ay hindi ako at hindi magiging ako ang magiging laman ng puso't isipan mo. ~

Published by: Keith Alphonsus A. Ambuya

Date published:December 09,2021

Time published:12:36 PM

No comments:

Post a Comment