Thursday, January 27, 2022

LITERARY: "Subok" ni Kryztelle Tugado

Klasipikasyon: Tuluyang tula 

Tema: Pakikipaglaban 

Buod: Sa lugar kung saan bingi ang nanunungkulan, hindi sasapat ang sigaw ng taong bayan upang makamit ang tunay nilang kalayaan. 

Magkakasunod na putok ng baril ang umalingawngaw sa dakong silangan, doon sa lugar ng pagtitiis at kagutuman. Hindi nagulat ang mga tao, marahil ay hindi na bago ang pangyayari. 

-

Alas dos ng madaling araw, apat na kumakalam na mga sikmura ang naghihintay sa inahing kumayod para sa kanilang tuka. Hindi makatulog gawa ng kilabot na dala ng lamig at takot na dala ng dilim kung saan walang kasiguraduhan. 

Hindi ito ang unang pagkakataong umalis ang ilaw ng tahanan, ngunit ito ang unang beses na tumangis sya’t nag-iwan ng bilin sa panganay na anak. 

“Ipagdasal ninyong mauna akong magbalik bago sumilip ang liwanag.” 

Isa lamang ang ina ng apat na mga bata sa madaming magulang na lumisan noong gabing iyon. Isang grupo na naman ang sisisid sa tubig ng mga buwaya, susubok na hanapin ang agilang matagal nang ipinagkait sa kanila. 

Babalutin ng dugo ang buwan ngayong gabi, gaya ng nakasanayan. Pang ilang beses na nga ba ito? Hindi na mabilang. Hindi matapos ang iyakan sa ibang kabahayan, ngunit ang apat na batang iniwan ng kanilang ina’y hindi pa mulat ang mga mata upang makita ang kalbaryong hinaharap nila. Akala’y umalis lamang ang ina upang muling maglabada. Maglalaba nga naman, kukusotin ang maduming pamamalakad at sasabunin ang bibig ng mga mapanlinlang. 

Alas kwatro. 

“Matulog na tayo, sa paggising natin bukas ay tiyak na nandito na si inay.” 

“Pero ate, gutom na gutom na ako. Gabundok ba ang ipinalalaba sa kaniya? Sana pala ay sumama nalang tayo.” 

Itinatago ng panganay ang kaba at kuryosidad na nagsusumiksik sa kaniyang isipan.  Marahil nga ay gabundok lang talaga ang ipinalalaba, baka bukas ay masarap ang uulamin nila. 

Samantalang sa bayan ay tuluyan ngang sumapit na ang pagtutuos. Kaliwa’t kanan ang sigaw ng mga taong pagod na sa sistemang sumisira ng buhay nila. Iba iba ang ipinaglalaban, ngunit iisa ang layunin. Kalayaan. 

Sumiklab na nga ang apoy ng galit. “Dinggin ninyo kami!!” Kahit gaano kalakas ang sigaw ng mga tao ay kulang parin upang magising ang natutulog na konsensya ng mga naghahari. Nagsakitan na nga at nagmurahan, ang iba’y umiiyak, habang humahalakhak lamang ang lalaking nakaupo at nanonood mula sa malayo. “Sige magpatayan kayo, isang malaking kalokohan ito.” Mga sibilyan laban sa mga nakauniporme. Patalim laban sa baril. Malinaw kung sino ang hahalik sa lupa. 

Sumapit na ang liwanag, naunahan ang ina na hinihintay ng apat na paslit. Laman ng balita ang pangyayari, isinasalaysay kung paano diumano nanggulo ang mga armadong rebelde na sakop pa ng mas malaking organisasyon. Nasa bente ang mga katawang naka handusay sa kalsada, kabilang ang ina na inakalang naglabada. 

Nanalo ang mga buwaya, at alam naman nilang mangyayari ito. Hindi kailanman nagtagumpay ang mga sumubok, dahil kahit gaano pa man katulis ay hindi mauunahan ng patalim ang bilis ng gatilyong babaon sa kanilang puso.


Painting: “Boston Massacre” by Henry Pelham (March 5, 1770)

http://www.hubhistory.com/episodes/remembering-the-boston-massacre-with-nat-sheidley-episode-174/?fbclid=IwAR31H0MNT1yVdR0AWEsBqC5BlCf9NqKiKOrdkSIzNBT4D0DmsIHw3NOaBZg


Published by: Heather Pasicolan

Date published: January 27, 2022

Time published: 7:31 pm


No comments:

Post a Comment