Published by: Lloyd Agbulos
Date published: June 06, 2022
Time published: 11: 42 AM
Kategorya: Tula
Tema: Ilusyon, Kapangyarihan
Sinopsis: Hanggang kailan magiging bulag ang mga tao sa katotohanan?
Nagsimula na ang krusada ng mga maralita
Maalinsangan dahil sa balasik na araw
Ngumingisi sa mga pusong patuloy sa pagsigaw,
“Aleluya! Aleluya! Papuri sa nagbabalik na Mesiya”
Ang indayog at bawat buka ng bibig
Animoy kalugkog na sumasabay sa galindang at kudyaping
Humuhugong sa langit pababa sa lupa,
“Aleluya! Aleluya! Papuri sa nagbabalik na Mesiya”
Hinawi ng mga dingal na anghel ang ulap
Suot nila’y kawangis ng buwang anuma’t dami ng guwang
Sinasamba pa rin ng mga maralitang nakapikit
Pagkat takot harapin ang balasik na araw
Sa wakas, bumulwak nang tuluyan ang kalangitan
Bawat kinang ay dumudura ng pag-asa sa mga maralita
Manding asong uhaw sa kakaprisyong biyaya
“Aleluya! Aleluya! Papuri sa nagbabalik na Mesiya”
Ang gitaw na batlaya’y sumisid pababa
Sa isang iglap, lahat ng maralita’y naging saksi
Sa pagiray-giray na lakad at pangimi-ngimi
Pitong anghel ang kailangang umalalay
Kahoy na katawan, ngiting nakaukit
Linsil pa rin sa pagpiksi sa mga maralita
Ang talampakang kasingkintab ng ginto
Tumatapak sa mga bulag na panatiko
Ngunit nang milyon-milyong birang ang humarok sa paa
At patuloy pa rin ang kawalan ng imik,
Isang tao ang humawi ng piring sa mata,
“Huwad! Huwad na Mesiya!"
Isa, dalawa, hanggang naging libong tinig
Sumigaw sa kabila ng ingay ng papuri
Nagmulat sa kabila ng balasik na araw
“Huwad! Huwad na Mesiya!”
Erehya man ang pagtalikod –
Masayang makikipagbuno sa mga balakyot
At makikipagbayle sa dagat-dagatang apoy
Dahil kung ang pagsamba ay para lang rin sa kasinungalingan
Mas maiging ang sariling impyerno ay silaban.
Sining: The Last Judgment ni Gustave Doré
No comments:
Post a Comment