Monday, January 19, 2026

π—£π—”π—‘π—œπ—§π—œπ—žπ—”π—‘: “Paninindigan Kita: Ang Aking Panata” ni Christian Dave T. Saagundo

 


Inilathala ni: Patrick Lance Guerra

Petsang Inilathala: Enero 19, 2026

Oras na Inilathala: 12:17 PM


Kategorya: Tula

Tema: Isang panata ng pananatili— tahimik ngunit matibay na pasyang panindigan ang minamahal, kahit sa gitna ng sakit at pagsubok.


Paninindigan kita,

hindi lang sa mga araw na madali kang mahalin,

kundi sa mga gabing tahimik kang gising,

kinakausap ang sariling punΓ΄ ng pagdududa.


Kapag ang mundo’y nagtatanong kung bakit ikaw,

hindi ako maghahanap ng paliwanag.

Sapat na ang katotohanang pinili kita—

at sa bawat umaga, muli kitang pipiliin.


Sa gitna ng takot at pagkalito,

kapag tahimik kang nalulunod,

ako ang mananatili sa tabi mo—

hindi para ayusin ka,

kundi para ipaalalang sapat ka pa rin.


Kapag ang pag-asa’y napagod na ring huminga,

ako ang pahinga mong tahimik.

Kapag ang mundo’y tila masyadong malakas,

ako ang kamay na hindi bibitaw,

kahit nanginginig.


Paninindigan kita,

kahit hindi malinaw ang bukas,

kahit masakit ang proseso,

kahit magulo ang mundong ating ginagalawan.


Dahil ang pag-ibig

ay hindi lang sinasabi—

ito’y pinipili,

pinaninindigan,

at sa’yo ko ito isinumpa.

No comments:

Post a Comment