Published by: Ysabella Charis Vaila
Date published: June 11, 2022
Time published: 10:28 am
Katergorya: Prosa
Tema: Pagkatakot
Buod: Kailan ka makaaalpas sa takot na dulot ng panaginip na gugulo sa iyong isipan?
—
Tagaktak na ang pawis at tila mapipiga na ang damit na suot ko. Matulin ang ginawa kong pagtakbo dahil sa lalaking kanina pa humahabol sa akin. Hindi ko malaman kung ano bang dahilan ng paghabol niya sa akin pero sa reaksyon ng kaniyang mukha at mga nanlilisik na mga mata ay tila ba galit na galit siya sa akin at halos nais na niyang kitilin ang aking buhay.
Mas binilisan ko pa ang aking pagtakbo ng maramdaman kong nalalapit na siya sa akin. Lumiko ako sa isang eskinita at mabilis na nagtago sa likuran ng basurahan. Hindi ko na halos mahabol ang aking hininga sa bilis ng tibok ng puso ko.
Dahan dahang lumabas ako mula ng pagkakatago ng maramdaman kong nakalayo na siya, ngunit tila nanigas ako sa aking kinatatayuan ng maramdaman ko ang hininga ng isang tao mula sa batok ko. "sa wakas" bulong niya, dalawang salita lamang ngunit hindi na ako makahinga sa labis na kabang nadarama.
Naisin ko mang sumigaw o humingi ng tulong ay hindi ko magawa sapagkat isang patalim ang inilapit nya sa tagiliran ko habang ang isang kamay naman ay may hawak na baril na nakatutok sa sentido ko. "huwag mo na muling tangkain pang takasan ako" nakakatakot nya muling sambit at saka tumawa na mistulang demonyo sa pandinig ko.
Napapikit ako ng umagos na ang luha sa mga mata ko. Ginamit ko ang buong lakas upang sipain siya patalikod at doon niya ako nabitawan.
Mabilis akong tumakbo paalis sa lugar na 'yon. Hindi ko alam kung nasaan ako, wala akong ibang nakikitang tao bukod sa lalaking humahabol sa akin. Umiiyak na napatakip ako sa aking tainga ng marinig ang putok ng baril sa kung saan, hindi ko na magawang lingunin ang likuran ko sa takot na makita ko ang mga nanlilisik niyang mga mata.
Kusa akong dinala ng mga paa ko sa lugar na hindi pamilyar sa akin. Tanging liwanag na lamang ng buwan ang nagsisilbing ilaw sa lugar na 'yon. Nagpalinga linga pa ako sa paligid, lakad takbo na ang ginawa ko dahil sa labis na pagod. Hindi ko na halos maramdaman ang mga binti ko.
"Tulong" isang salita na kanina ko pa nais na sambitin at isigaw ngunit nanlaki ang mga mata ko nang wala akong marinig na tinig mula sa sarili. Sumigaw ako ng sumigaw ngunit sumakit na ang aking lalamunan ay wala pa rin akong boses na narinig.
Napalingon ako sa likuran ng marinig ang yabag ng mga sapatos. Napapa iling ako nang maaninag sa hindi kalayuan ang isang lalaki kaninang humahabol sa akin ay ngayo'y napalitan ng grupo ng mga lalaking nanlilisik ang mga mata.
Nawalan na ako ng pag asa, hindi na ako makakatakas pa. Napahinto ako ng makitang wala na akong maaatrasan pa, pagtangis na lamang ang kaya kong gawin. Doon ko nakitang papalapit na sila sa akin, ang mga taong may nais na tapusin ang buhay ko.
Pumikit na lamang ako at bumulong sa isip "Patawad, hindi ko na kaya" Naramdaman ko ang sarili na nahulog sa bangin, at doon ko naidilat ang mga mata.
Ramdam ko pa rin ang kaba. Ang masamang panaginip na 'yon na nagpaulit ulit sa panaginip ko gabi gabi. Pitong araw na akong dinadalaw ng masamang panaginip na 'yon, magkaka iba mang lugar at mga taong humahabol sa akin na kung minsan ay mga bata lamang ngunit lahat sila ay magkakapareho lamang ng dahilan, yun ay ang patayin ako. "Masamang panaginip" muling bulong ko sa sarili at saka nanalangin.
No comments:
Post a Comment